Huling 2 semis slot nakataya sa SSL Preseason Unity Cup


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pakay ng College of Saint Benilde at University of the Philippines na ipagpatuloy ang kanilang momentum pagharap nila sa magkahiwalay na katunggali sa do-or-die quarterfinals ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na lalaruin sa Paco Arena ngayong araw.

Nakahirit ng rubber match ang Lady Blazers at Fighting Maroons matapos nilang kaldagin ang may tangan na twice-to-beat advantage na Adamson University at Far Eastern University, ayon sa pagkakasunod noong Martes.

Limang sets ang kinailangan ng CSB para barugin ang Soaring Falcons, 28-26, 20-25, 25-15, 19-25, 15-12 habang apat na frames naman kinalos ng Fighting Maroons  ang Lady Tamaraws, 27-25, 21-25, 25-18, 25-20 sa event na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

Magsisimula ang paluan ng CSB at Adamson sa alas-3 ng hapon habang sa alas-5 ng hapon magbabaragan ang UP at FEU sa tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.

Ang mananalo sa CSB-Adamson match ay haharapin sa semis ang University of Santo Tomas sa Linggo sa Ninoy Aquino Stadium sa ligang mapapanood sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.