Pilipino Star Ngayon
October 28, 2025 | 12:00am
SACRAMENTO , Philippines — Kumamada si Austin Reaves ng career-high 51 points para giyahan ang Los Angeles Lakers sa 127-120 pagdaig sa Kings.
Hindi naglaro si Luka Doncic para sa Los Angeles (2-1) dahil sa kanyang left hand sprained finger at sa gitna naman ng Nobyembre sasalang si injured LeBron James (sciatica).
Humakot si center DeAndre Ayton ng 22 points at 15 rebounds, habang may 18 markers si Rui Hachimura.
Pinamunuan ni Zach LaVine ang Sacramento (1-2) sa kanyang 32 points at may 21 markers si DeMar DeRozan.
Nagdagdag si Domantas Sabonis ng 10 points at 14 rebounds at naglista si Dennis Schroder ng 18 points at 12 assists para sa Kings na naiwanan sa 116-122 agwat sa huling 1:48 minuto ng fourth quarter.
Sa California, humakot si Kawhi Leonard ng 30 points at 10 rebounds para tulungan ang Los Angeles Clippers sa 114-107 paglunod sa Portland Trail Blazers.
Mula sa 55-60 halftime deficit ay umiskor ang Los Angeles (2-1) ng 32 points sa third period sa likod nina Leonard, James Harden at Ivica Zubac kumpara sa 22 markers ng Portland (1-2) para agawin ang 87-82 bentahe.
Tumapos si Zubac na may 21 points para sa Clippers at tumipa si Harden ng 20 points at 13 assists, habang nagdagdag si John Collins ng 16 points.
Pinamunuan ni Deni Avdija ang Trail Blazers sa kanyang 23 points at may 21, 19 at 17 markers sina Jrue Holiday, Shaedon Sharpe at Jerami Grant, ayon sa pagkakasunod.
