Quizon namayagpag sa super rapid at blitz event


MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas muli si Pinoy Grand Master Da­niel Quizon matapos mag­kampeon sa super ra­pid at blitz category ng 1st Bangkok Summer Interna­tional Chess Open na inilaro sa Away Bangkok Riverside Kene Hotel sa Thailand no­ong Linggo.

Inirehistro ng 20-anyos na si Quizon ang 6.5 points matapos pagpagin ang ka­babayang si IM Michael Concio sa 87 moves ng Re­ti opening sa seventh at final round.

Kaparehong puntos ng Olympiad veteran na si Quizon ang isa pang Pinoy bet na si FM Jony Habla na pinisak si Babu Nithin ng India.

Subalit matapos idaan sa tiebreak ay nahirang na kampeon si Quizon.

Puro Pinoy chessers ang nasa Top 3 finishers kung saan nabingwit ni Allan Pason ang solo third sa inilistang anim na puntos.

Ipinatupad sa nasabing event ang 10 minutes plus two seconds increment.

Samantala, nakipag-draw naman si Quizon kay Filipino chesser Reynaldo Aba-A sa ninth at last round ng blitz event sapat upang makasungkit ulit ng kam­peo­nato.

Inilista ni Quizon ang walong puntos sa siyam na laro, habang napunta ang pa­ngalawang puwesto kay Aba-A sa tinapos na pitong puntos.

Kasalukuyan pang na­ki­kipagtagisan ng isip si Qui­zon sa standard event na ngayon ay nasa round 4 na ang labanan.