Hunk actor, lantad na ang relasyon sa madatung na bading!


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

February 23, 2025 | 12:00am

Wala nang keber si hunk actor kung matsismis siya sa bading!

Siguro nasa isip niya, kahit anong iwas niya sa bading naiisyuhan pa rin siya. Kaya patol na lang!

Matagal na siyang na-link sa super yamang bading na nakilala na rin sa showbiz. Umiwas lang siya nang hayagan na ang relasyon niya sa magandang aktres.

Pero nang officially magkahiwalay na sila ng magandang aktres, back to each other’s arms na kaya sila ni mayamang bading?

Madalas na nakikitang magkasama silang dalawa. Nakikita silang magkasamang nagdi-dinner at ang latest ay magkasama sila sa isang full-packed concert ng magaling na singer.

Sa totoo lang, tahimik lang at hindi na nai-stress si hunk actor sa piling ni mayamang bading.

Nung sila pa ni magandang aktres, lagi lang daw siyang nai-stress.

Mavy, tanggap ang mga pamimintas

Hindi apektado si Mavy Legaspi sa mga hindi natuwa sa pagpasok niya sa Pinoy Big Brother bilang ang Kapuso Royal Tropa ni Kuya.

May ilang nanlalait, na kesyo ang boring daw, walang dating.

Sa halip na patulan ang mga laiterang ba­sher, nangako na lang si Mavy na galingan na niya at nagpapasalamat sa magandang challenge na ito sa kanyang career. “Thank you for all the love & support guys. It’s honestly so overwhelming.”

Kung ano man daw ang mga komento sa kanyang hosting, tatanggapin niya ito. Pero mas mabuting sa kanila na lang daw ‘yun, dahil walang epek ito sa kanya. “I’ll do my very best. I’ll take any constructive criticism moving forward and utilize it to become a better host.

“All the extra noise is just unnecessary. I suggest you keep it to yourself cause it doesn’t work on me,” sabi niya sa kanyang IG post.

Ayon sa iba pang nasagap namin, may ipapasok daw sa Bahay ni Kuya na malapit kay Mavy.

Kung ano man ang magaganap sa loob ng PBB house, aabangan kung ano ang magiging reaksyon ni Mavy.

Posibleng ganun dahil magaling ang ABS-CBN mag-isip ng ganung pakulo na magsisimula na sa March 9.

Jinkee, pinasok ni Manny sa partylist para maging busy

Maingat ang Senatoriable na si Manny Pacquiao sa pagsagot sa mga hindi natuwa sa pagtakbo niyang muli bilang senador sa ilalim ng Alyansa ng Bagong Pilipinas.

Isa siya sa kinuyog ng media sa nakaraang presscon nito sa Pasay noong Martes, pero positibo lang ang pagtanggap nito sa mga negatibong komento.

Pagdating naman sa showbiz, napapangiti lang ang ating Pambansang Kamao, dahil may aabangan sa kanya pagkatapos ng mid-term election sa Mayo.

Hindi lang niya gaanong idinetalye ang pagsali niya sa 3rd season ng Physical 100 sa South Korea. “Abangan n’yo ‘yun. Kami ang 3rd season ng Physical 100,” napapangiti niyang pakli.

Hindi lang niya sinabi kung wagi sila o natanggal ba agad. Basta ang tindi raw ng mga challenge nila sa naturang programa. “Kailangan malakas ka. Kami ang pinakamaliit na grupo e sa Pilipinas.

“Team team ang concept dun. Pinakamaliit kami e, ang lalaki ng ibang kalaban,” dagdag niyang pahayag.

Doon din namin nalaman na tumatakbo rin pala ang asawa niyang si Jinkee Pacquiao.

Nasa second nominee si Jinkee sa MPBL Party-list. “Para maging busy din siya. Lagi siya sa bahay e,” bulalas ng Senatoriable Manny Pacquiao.

Samantala, todo suporta rin si Cong. Lani Mercado-Revilla sa panga­ngampanya ni Sen. Bong Revilla.

Sumasama siya sa ilang probinsyang inikot ni Sen. Bong. Minsan ay siya na rin ang nag-proxy sa ilang imbitasyon para sa Senador.

Nakakabilib nga ang pagiging masipag ni Sen. Bong na halos araw-araw ay nag-iikot ito sa ilang lalawigan. “Nakakatanggal ng pagod ang mainit na pagtanggap sa iyo ng mga tao,” pakli ni Sen. Bong.

Grabe ang lakas ng tilian at palakpakan kapag tinatawag na siya. Halos ganun ang init na pagtanggap sa kanya sa mga lugar na inikutan niya sa Ilocos Norte, Iloilo, Davao, Negros Occidental, Laguna at kahapon ay nasa Pampanga naman siya.

Pati sa ibang bansa na maraming mga OFW ay iniimbitahan din siya.