Huwag maging mapanlamang: Maagang leksiyon sa buhay


GANADO ako nu’ng simulan ng houseboy namin bumuo ng guryon. Edad-10 ako nu’n, nakatira sa malaking bahay sa Magdalena Rolling Hills Subd, tinaguriang Forbes Park ng Quezon City.

Isang linggo ginawa ang guryon. Kinayas nang pino ang kawayan. Idinikit nang maayos ang papel, ibinalanse ang magkabilang panig, tinasahan ang tulis, at nilagyan ng bubog ang tansi.

Sa wakas natapos din. Agad namin itong pinalipad sa tabing ilog. Ang saya ko habang mabilis itong pinatataas sa ere.

Biglang may lumipad na isa pang guryon mula sa kabilang pampang ng ilog. Galing sa kulumpong ng barong-barong.

Maliit lang ang guryon nila. Pero mas matulin. Kinaskas ng tansi nila ang sa akin. Umiktad ang guryon ko.

Nalungkot ako. Sa “batas” ng pagguguryon, ang umiktad na guryon ay magiging premyo ng nagpaiktad. Talo ako.

Mabilis na sumakay sa saha ng saging ang matabang bata na nanalo. Sumagwan siya ng kamay patawid ng ilog patungo sa amin. Unti-unting bumabagsak ang guryon ko na kung tutuusin, ‘di na sa akin.

Pinulot ko ang mahabang kawayan sa talahiban. ­Inaabangan ng nanalong bata maabot ang natitirang tansi ng guryon. Bigla kong tinusok ng kawayan ang guryon. Wasak!

Natulala ang bata na kaedad ko. Bakas sa mata niya ang tanong kung bakit ko ginawa ‘yon. Bakit ko ipinagkait sa kanya ang premyo.

Kinagalitan ako ng houseboy namin. Mali raw ang pagwasak ko ng natalong guryon. Hindi raw ako sport. Hindi naman daw ako ang gumawa ng guryon. Nanood lang naman ako sa pagbuo niya nu’n.

Animnapung taon na ang nakalipas. Nakikita ko pa sa aking isip ang sama ng loob sa mukha ng bata. Matinding leksiyon sa buhay ang natutunan ko nu’n: huwag maging mapanlamang sa kapwa.