Ika-2 bronze kay Eldrew sa worlds


Pilipino Star Ngayon

November 25, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Isinara ni Karl Eldrew Yulo ang misyon niya sa 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships sa pagkopo sa bronze medal sa horizontal bar kahapon sa Manila Marriott Grand Ballroom ng Newport World Resorts sa Pasay City.

Umiskor si Yulo ng 14.000 points sa likod nina gold winner Camilo Vera ng Colombia (14.533 points) at silver medalist Danila Leykin ng USA (14.233 points).

“Parang nanaginip pa rin ako,” ani Yulo. “Gusto ko magpasampal kay coach Reyland (Capellan) dahil nagbunga lahat ng pinaghirapan ko, maski bronze lang, malaking bagay po ito  sa akin.”

Ito ang ikalawang tansong medalya ng 17-anyos na Pinoy gymnast sa world championship matapos tumersera sa floor exercise finals noong Linggo.

Nilabanan din ni Yulo ang sakit ng kanyang right ankle injury na nangyari sa individual all-around finals.

“Nakadalawang bronze ako kuya!” sigaw ni Yulo sa kanyang kuya Caloy. “Sa susunod naman tayo naman ang magkasama.”

Samantala, minalas si Yulo sa medalya nang pumang-apat sa vault finals sa nahakot na 13.716 points.

Si Russian Arsenii Dukhno, naghari sa individual all-around finals, ang muling kumuha ng gold medal sa nakolektang 14.333 points kasunod sina Sol Scott (14.066 points) at Evan McPhilipps (13.950 points) ng Great Britain para sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.