MANILA, Philippines — Pakay ng De La Salle University na ikahon ang pangalawang sunod na panalo pagsagupa nila sa mahigpit na karibal na Ateneo De Manila University sa UAAP Season 87 volleyball tournament na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum, ngayong araw.
Tangan ang 6-3 record, kakapitan ni DLSU head coach Ramil De Jesus si Angel Anne Canino upang makuha ang panalo at mapalakas ang kapit sa pangalawang puwesto ng team standings, solo sa tuktok ang defending champion National University na may 9-1 baraha.
Magsisimula ang paluan ng bola ng La Salle at Ateneo sa ala-1 ng hapon, sunod ang bakbakan sa pagitan ng UST at Adamson sa alas-3 ng hapon.
Humarbat sa opensa si UAAP Season 85 Rookie-MVP Canino ng 27 points para akayin ang Taft-based squad sa panalo kontra UST sa kanilang huling laban noong Marso 29.
Kaya tiyak na ang 21-anyos outside spiker na si Canino ang magiging pangunahing opensa ng Lady Spikers para masikwat ang unang back-to-back wins nila sa second round eliminations.
Makakatuwang ni Canino sina Shevana Maria Nicola Laput, Amie Provido, Alleiah Jan Malaluan at Baby Jyne Soreno para madalawahan nila ang Ateneo.
Pinana ng Lady Spikers ang Blue Eagles sa apat na sets noong una silang magharap sa first round.
Nasa pang-anim na puwesto ang Ateneo, hawak nila ang 4-5 karta.