September 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kumana si Alessandro Michieletto ng 15 points mula sa 12 attacks at tatlong blocks para akayin ang World No. 2 Italy sa 25-23, 25-20, 25-22 pagsibak sa World No. 8 Argentina patungo sa quarterfinals ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Muli ring nagkita sina Michieletto at Alas Pilipinas coach Angiolino Frigoni matapos magsama sa Under-21 Italy team.
Sasagupain ng nagdedepensang kampeon sa quarterfinals ang mananalo sa knockout match ng World No. 15 Belgium at World No. 18 Finland.
Umiskor si Yuri Romanò ng 14 markers habang may 13 points si Mattia Bottolo tampok ang tatlong service aces sa dulo ng third set para sa mga Italians.
Naglista si 2022 World Championship MVP Simone Giannelli ng 34 excellent sets at 12 excellent digs para sa four-time champions.
Pinamunuan ni Luciano Vicentin ang mga Argentines, nanguna sa Pool C, sa kanyang 15 points mula sa 13 attacks, isang block at isang ace.
Matapos ilusot ng Italy ang 25-20 panalo sa second set ay kinuha ng Argentina ang 17-16 abante sa third frame mula sa hataw ni Luciano Palonsky at ace ni Gallego.
Nailista ng mga Italians ang match point, 24-20, tampok ang tatlong sunod na aces ni Romanò bago nakalapit ang mga Argentines sa 22-24.
Nailusot ni Bottolo ang bola kontra sa tatlong Argentine defenders para kumpletuhin ang straight-sets win ng Italy sa Pool C top seed.
Sumampa sa quarterfinals ang World No. 1 Poland at World No. 14 Turkiye matapos sibakin ang World No. 11 Canada, 26-18, 23-25, 25-20, 25-14, at World No. 20 Netherlands, 27-29, 25-23, 25-16, 25-19, ayon sa pagkakasunod.
