Italy sa finals | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 28, 2025 | 12:00am

Sasagupa sa Bulgaria

MANILA, Philippines — Magtutuos ang World No. 2 Italy at World No. 9 Bulgaria para sa gold medal ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Binomba ng mga I­talians ang World No. 1 Poland, 25-21, 25-22, 25-23, habang tinalo ng mga Bulgarians ang World No. 17 Czechia, 25-20, 23-25, 25-21, 25-22, sa kani-kanilang semifinals showdown kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sinaksihan ng 9,652 fans ang mga panalo ng Italy at Bulgaria na paglalabanan ang gold medal ngayong alas-6:30 ng gabi sa parehong venue.

Pag-aagawan ng Poland at Czechia ang bronze sa unang laro sa alas-2:30 ng hapon.

Kumana si Yuri Romano ng 15 points mula sa 12 attacks, dalawang blocks at isang ace para sa mga Italians at may 12 markers si Alessandro Michieletto.

“It’s crazy, crazy game,” wika ni Romano sa pagbangon nila mula sa 6-11 agwat sa third set para makatabla sa 18-18 at agawin ang match point, 24-21, galing sa atake ni Michieletto.

Muling nakadikit ang mga Poles sa 23-24 bago selyuhan ni Michieletto ang panalo ng four-time champions.

Pumalo naman si Aleksandar Nikolov ng tournament-high 31 points para sa pagpasok ng mga Bulgarians sa finals matapos noong 1970 kung saan sila natalo sa nagkampeong East Germany.

“Like what I said, pressure is on them. We’re gonna come out swinging, if it’s enough — it’s enough,” ani Nikolov na ang amang si Vladimir ay kasama sa bronze medal team noong 2006 edition.

“Feels great that’s all I can say and it’s amazing, and I’m glad he came to see that I beat him by at least one medal,” ani pa ng 6-foot-9 outside hitter sa kanyang ama.