Pilipino Star Ngayon
November 20, 2025 | 12:00am
LOS ANGELES — Sumalang si Lakers star LeBron James sa kanyang season debut at tumipa si Luka Doncic ng 37 points at 10 assists sa 140-126 pagpapatumba ng Lakers sa bisitang Utah Jazz.
Ito ang league-record na ika-23 season ng 40-anyos na si James na nagkadena ng double-double na 11 points, 12 assists at 3 rebounds sa loob ng 30 minuto para sa Los Angeles (11-4).
Ang kanyang driving layup sa third quarter ang nagpalawig sa kanyang double-digit scoring performances sa record 1,293 games simula noong Enero 6, 2007.
Hindi nakita si James sa unang 14 games ngayong season dahil sa kanyang sciatica, isang nerve issue na nakaapekto sa kanyang lower back at sa kanang bahagi ng katawan niya.
Sa iba pang laro, panalo ang Orlando Magic sa Golden State Warriors, 121-113; dinaig ng San Antonio Spurs ang Memphis Grizzlies, 111-101 at tinalo ng Boston Celtics ang Brooklyn Nets, 113-99.