October 17, 2025 | 12:00am
Kuwento ng pagkakaibigan, pagtataksil, at lihim ang bagong suspense thriller serye ng ABS-CBN na What Lies Beneath, na tampok sina Janella Salvador, Sue Ramirez, Kaila Estrada, at Charlie Dizon.
Iikot ang storya kina Alice (Janella), Mel (Sue), Erica (Kaila), at Beth (Charlie) — apat na babaeng nabago ang buhay dahil sa isang kasinungalingan at desisyong ginawa nila sa nakaraan.
Sa nakaraang media launch, ibinahagi nina creative producer Arah Badayos at head writer Benson Logronio kung paano tinatalakay ng serye ang masalimuot na konsepto ng injustice. “Makikita sa trailer na may nagawang injustice,” ani Arah.
“Pero ipapakita rin na hindi ito basta-basta — ‘yung mga taong gumawa ng injustice ay biktima rin ng injustice sa sarili nilang paraan.”
Ibinahagi naman nina Janella, Sue, Kaila, at Charlie ang mga hamon sa pagganap sa kanilang mga karakter na kinakailangang maging matatag sa gitna ng takot at mga lihim na patuloy na bumabalik para sila’y singilin.
Kasama rin sa cast sina Jake Cuenca at JM de Guzman, na lubos ang pasasalamat sa pagkakataong gumanap sa mga karakter na malayo sa mga ibang proyektong kanilang nagawa.
Samantala, hindi pala ito ang acting comeback ni Charlie matapos ikasal kay Carlo Aquino last year. May mga nauna na raw siyang ginawa pero hindi pa napapalabas. “Ito ‘yung first time ko na ‘yung character ko rin as a wife. So, yeah, nakaka-relate ako in terms of kung papa’no ‘yung dynamics namin ni Yves (Flores), medyo ganu’n din naman kami ni Carlo. And siguro, ‘yun ‘yung mga nagpadali. Kasi hindi ko ma-imagine kung papa’no ko siya gagawin kung hindi ko pa na-experience, ‘di ba?” kwento ng aktres sa mediacon nu’ng Lunes.
Mapapanood ang What Lies Beneath sa Netflix simula ngayong Oktubre 17 (Biyernes), sa iWant sa Oktubre 18 (Sabado), at sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5 sa Oktubre 20 (Lunes).
