Labing-isang taon nang walang karelasyon ni Jean Garcia. Ayon sa aktres ay talagang personal niyang desisyon na huwag nang magkaroong muli ng nobyo. “By choice at kuntento. Sa akin kasi wala nang bad, puro good eh. I feel good, I’m happy. Parang iniisip ko na lang sa sarili ko na, mag-aalaga na lang ako ng mga apo ko po, ng mga anak ko, kung hindi ko rin lang mahahanap ‘yung para sa akin. Baka kasi napalampas ko na, Kuya Boy. Ginawa na lang ng Panginoon na makuntento ka na lang na mag-isa,” makahulugang pahayag sa amin ni Jean sa Fast Talk with Boy Abunda.
Maganda ang disposisyon ng beteranang aktres sa buhay. Napapansin umano ng mga taong nakapaligid kay Jean ang kanyang pagiging masaya sa pagiging single. “I don’t take life too seriously. ‘Yung sa akin kasi, bakit mo i-stress-in ‘yung sarili mo, ‘di ba? Gawa ka ng mga bagay na, kapag may problema solusyunan mo unti-unti. Pero matatapos, this too shall pass sabi nga nila. Lagi lang happy, kuntento, contentment siguro,” giit niya.
Nagbigay ng opinyon ang Kapuso actress tungkol sa mga kalalakihan at pakikipagrelasyon. Sa mga nakalipas na dekada ay marami na ring nakarelasyon si Jean. “They’re nice people, maayos naman sila. Siguro ang mga lalaki lang talaga, kapag seryoso sila, seryoso sila. Kapag hindi, talagang liliko at liliko ‘yan. Maaaring hindi ikaw ang problema. Maaaring lalaki ang problema, may choice eh. Lahat tayo may choice eh, choice nila ‘yon. Magloko sila, maging seryoso sila, choice nila ‘yon. Hindi ‘yon kasalanan ng babae. At choice mo rin kung mag-stay na martir ka. Or ayaw kong i-burden ang sarili ko sa ganito. I’m not happy anymore,” paliwanag ng aktres.
Samantala, kaabang-abang ang mga eksena ngayon ni Jean sa Lolong: Pangil ng Maynila na pinagbibidahan ni Ruru Madrid. Ginagampanan ng aktres ang karakter ni Donna Banson sa naturang GMA series. “’Yung first season, palaban, matapang. Ito, humahawak na siya ng mga baril. Bumabaril na ako ng mga tao, binabaril ko na sila. Gano’n na siya kalala, gano’n na siya katapang. Kasi nakulong siya ng four years. Dati kasi mayaman, prim and proper, ngayon bargas na. Palala nang palala ang role ko bilang kontrabida,” pagdedetalye ni Jean.
Kapag walang trabaho ay talagang ang mga anak at mga apo lamang daw ang pinagtutunan ng panahon ng beteranang aktres. “Simpleng ina at simpleng babae. Susuporta kung kakayanin ko. Nandito lang ako, anytime,” pagtatapos ng Kapuso actress. Reports from JCC
