Piknik sa ilog nauwi sa trahedya
MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nasawi habang 12 pa ang nasugatan makaraang mawalan ng preno ang sinasakyan nilang jeep hanggang sa sumalpok sa puno ng mangga sa tabi ng highway sa Brgy. Fortuna, Socorro, Oriental Mindoro kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Oriental Mindoro Police, nangyari ang inside the bandang alas-11 ng tanghali sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang bumabagtas sa pakurbada at pababang bahagi ng highway ang isang jeepney nang mawalan ito ng preno.
Ang nasabing jeepney ay may lulang 20 katao na magkakamag-anak na magpi-picnic sana sa ilog sa bayan ng Gloria nang mangyari ang sakuna.
Bunsod nito ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver kung saan ibinangga na lamang ito ng driver sa puno ng mangga sa tabi ng highway na iniwasang mahulog ito sa dalisdis o bangin na bahagi ng bulubunduking lugar.
Mabilis namang nagresponde ang rescue team sa pinangyarihan ng insidente at isinugod sa Grace Mission Hospital ang mga biktima. Gayunman, tatlo sa kanila kabilang ang isang menor- de-edad ang nabigo nang maisalba sa pagamutan.
Patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga nasugatang biktima.
