JGDL opisyal na sa FiberXers


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Tatlong taon ang kon­tratang pinirmahan ni Juan Gomez de Liaño para sa Con­verge simula sa PBA Season 50 sa Oktubre 5 sa Smart Araneta Colisuem.

Kasama ang agent na si Marvin Espiritu ng Espi­ritu Manotoc Baskebtall Ma­nagement (EMBM) ay si­niguro ni De Liaño ang pu­westo niya sa Fiber­Xers matapos maging No. 2 overall pick sa 2025 PBA Ro­okie Draft.

Nanguna para sa kam­po ng Converge si Pampanga vice governor Dennis “Delta” Pineda na naitalagang bagong head coach kapalit ni Franco Atienza.

Matatandaang nakuha ng Converge ang rights para segundang pumili sa draft matapos ang trade sa Phoenix kapalit ng kanilang No. 8 pick at ni Bryan Santos.

Ito ang ginamit nila upang sungkitin si De Liaño ng University of the Philippines sa UAAP kasunod ng No. 1 overall pick na si Geo Chiu ng Ateneo na na­punta sa Terrafirma.

Sakto ang pagkuha ng Converge kay De Liaño pa­ra lalong palakasin ang backcourt nito sa pamumuno nina Alec Stockton at Schonny Winston habang hi­nihintay pa si Mikey Williams na nakuha naman nila mula sa TNT Tropang 5G kapalit si Jordan Hea­ding.

Sa pagdating ni De Lia­ño ay kumpleto rekados na ang roster ng FiberXers tampok din sina 2024 No. 1 overall pick Justine Bal­tazar at Justin Arana para sa tsansang makapagsabayan kontra sa mga pambatong San Miguel, TNT, Barangay Ginebra at Rain or Shine.

Dati ring manlalaro ng Batang Gilas at Gilas Pi­lipinas seniors team si De Liaño bukod pa ang karanasan sa Lithuania, Japan at Korea kaya malaki ang inaasahan ng Converge sa kanya.

Kung naselyuhan na ng Converge ang pick nito, ang Terrafirma naman ay ka­ilangan munang hinta­yin si Chiu na tapusin ang kontrata nito sa Abra Solid North Weavers sa MPBL.

Idinaraos pa ang MPBL na tatapusin muna ni Chiu ngayong taon bago makapirma at masamahan ang Dyip na lalarga na kaagad ang first conference na Philippine Cup.