Mas napalapit na ngayon sa isa’t isa sina Jillian Ward at Raheel Bhyria. Unang nagkatrabaho ang dalawa sa Abot Kamay Na Pangarap noong isang taon. Ngayon ay magkasama naman sina Jillian at Raheel sa Mga Batang Riles.
“Mas naiintindihan ko si Raheel. Siguro mas may trust na rin ako sa kanya ngayon kahit hindi siya naniniwala, mas may trust ako sa kanya ngayon and parang mas open na rin po ako sa kanya compared no’ng Abot Kamay… days namin,” bungad ni Jillian.
Lubos naman ang pasasalamat ni Raheel dahil muli silang nabigyan ng aktres ng pagkakataon na magkatrabaho sa serye. “Nagpapasalamat ako nandito siya dahil marami rin akong nasabi na hindi ko masabi rin before at mas naintindihan niya raw ako. Basta may nasabi ako, na nasabi ko na ngayon na hindi ko nasabi dati,” nakangiting paglalahad ni Raheel.
Excited din sina Jillian at Raheel palagi na makita ang isa’t isa sa tuwing pumupunta sa taping. “Walang halong biro, ‘pag nakikita ko na may taping, mas nalu-look forward ko kasi nando’n si Jill. Kasi nai-inspire ako lalo magtrabaho ‘pag nakikita ko na kasama ko siya,” pagtatapat ng aktor.
“Ako natutuwa po ako, nasabi ko na rin naman sa kanya ‘to ‘pag nagte-taping ako, wala, parang dahil nandiyan siya. Kumportable ako kasi siya talaga ‘yung pinaka-close ko po since Abot Kamay… din,” sagot naman ni Jillian.
Ruru, hindi pa tapos ang pag-asa sa Lolong
Nagsimulang gawin ni Ruru Madrid ang Lolong: Bayani ng Bayan noong 2022. Ngayon ay nalalapit naman ang pagwawakas ng Lolong: Pangil ng Maynila. Marami na umanong nagbago kay Ruru mula nang gawin ang dalawang serye. “Sa kabila ng lahat ng mga binabato sa ‘yo ng mundo, na bigla kang magkakaroon ng injury, biglang magkakaroon ng pandemic, biglang magkakaroon ng kung ano pang aksidente. Parang ‘yon ‘yung nagsisilbing lakas sa akin na parang lalong pagbutihin ‘yung mga ginagawa ko,” makahulugang pahayag ni Ruru.
Ayon sa Kapuso actor ay talagang kaabang-abang ang mga eksenang matutunghayan pa sa serye kasama ang buwayang si Dakila. Naalala raw ni Ruru kung paano ginawa ang mga tagpo sa unang season ng Lolong. “Very nostalgic kasi parang bumabalik din ‘yung season 1. May mga eksena kaming ginawa na parang kung paano namin siya shinoot no’ng season 1, no’ng kaming dalawa lang ni Elsie. And then ngayon nadagdagan na kami. So abangan po natin,” pagbabahagi ng binata.
Sa pagtatapos ng serye ay mapapanood siya sa isang eksenang ngayon lamang niya nasubukan. Kailangan daw itong pakaabangan ng mga manonood. “Meron kaming napag-agree-han na isang eksena na parang never ko pang napapanood ‘yon sa tanang buhay ko. Very exciting ‘yung Lolong. Siguro magtatapos man siya sa pag-ere sa telebisyon pero habambuhay siyang nasa puso nating lahat. So hindi ko masasabi na ito na ‘yung huli. Maraming possibilities,” pagtatapos ng aktor. — Reports from JCC
