Ipapalabas globally ang pelikulang Untold ni Jodi Sta. Maria ng Regal Entertainment.
Ito ang major annoucement kahapon sa ginanap na media conference ng pelikula.
Rated R 13 — no cuts din ang Untold na ginastusan ng Regal ng P70 million.
Una silang iikot sa Hongkong, Guam, US, Canada, at iba pang bansa ayon kay Ms. Roselle Monteverde.
Anyway, walang double si Jodi sa pelikulang ito at kasama nga sa ginawa niyang eksena ay nang tumalon siya sa 4th floor ng isang building.
Ayon kay Direk Derrick Cabrido, walang naireklamo si Jodi nang sabihin niya na kailangan niyang gawin ang nasabing eksena. Hindi raw kasi talaga pwede ang double dahil kailangan ring makita ang expression ng actress sa nasabing particular scene.
At hindi aniya ito isang take lang, apat na beses daw inulit ng actress, ayon pa kay Direk Derrick.
Samantala, handang dumalo si Jodi sa sa ginaganap na ‘fake news’ hearing ng Tri House Committee sa Kongreso.
Aniya, kung may formal invitation, dadalo at handa siyang magbigay ng kanyang pahayag.
“Kung ano siguro ‘yung maitutulong ko, kung sa palagay nila, importante ‘yung boses ko at ‘yung sasabihin, bakit naman hindi?” sabi pa kahapon ng aktres.
Susog pa niya : “Tulad nga ng sabi ko kanina, wala namang taong nabubuhay para sa sarili lamang. Lahat tayo, mayroon tayong responsibilidad para sa isa’t isa.”
Naniniwala rin ang actress na kailangang palakasin pa ang batas para sa mga peddler ng fake news.
Paalala rin niya na dapat din namang mag-fact check ang mga netizen bago pa mag-share at maniwala sa nababasa nila sa social media.
Gumaganap si Jodi bilang si Vivian Vera, isang award-winning journalist na ang madilim na nakaraan ay bumabaluktot sa katotohanan at nakakasira ng buhay ay bumalik sa kanya.
Dinirek ito ni Derick Cabrido, na nasa likod ng Mallari noong 2023.
Anyway, panay naman ang smile lang ni Jodi kapag nauungkat ang kanyang love life. Laging sagot niya, kaya nga untold.
Nanatiling pribado ang lovelife ni Jodi kahit noon pa.
Kaya lang sinabi ni Ms. Gloria Diaz na in love talaga ang actress na kilalang-kilala raw niya pero hindi niya talaga binanggit ang pangalan nito.
Pati raw ang mga kapatid nito kilala niya, sabay tawa ni Ms. Gloria.
Kasama rin sa pelikulang Untold sina JK Labajo, Joem Bascon, at marami pang iba.
