Tuwang-tuwa si Joey Marquez nang magkita kami sa look test ng pelikulang I’m Perfect na prinodyus ng Nathan Studios.
Ang tagal din naming nagkatsikahan, kaya ang saya ng kumustahan.
Ang una naming napag-usapan ay ang pagbibigay-basbas niya sa pagsali ni Winwyn Marquez sa Miss Universe Philippines kamakailan.
Sabi ni Joey, tinupad daw niya ang pangako niya sa anak na kapag makapasok lang ito sa top 10 ng Miss Universe Philippines, ibibigay raw niya ang isa sa mga collection ng paintings niya.
Alam niyang type ni Winwyn ang isang painting niya ni Lamarozza, kaya ‘yun ang ipinangako niya. “Gusto lang niyang gawin talaga. Sige, sabi ko. ‘Pag nag-top 10 ka, ibigay ko sa ‘yo ang isa sa mga paintings ko diyan, kung gusto mo ‘yung Lamarozza, ibigay ko sa ‘yo.
“E runner-up, hinatid ko na agad sa kanya,” nakangiting pahayag ni Joey.
“Bilib ako sa control at sa focus niya. Si Wyn kasi, ‘pag gusto niya nagagawa niya e,” puri niya sa anak.
Nakikita ni Joey na masaya na ito sa kanyang partner, ang ama ng kanyang anak kaya nandiyan ang suporta niya.
Hindi raw niya pini-pressure ang anak na dapat na magpakasal na sila. “Very supportive ‘yung partner niya, kasi naging childhood ano niya e, hindi naman sweetheart… kaibigan ni Yeoj since grade 12, kababata niya, at saka lumaki sa amin.
“Parang anak ko na rin ‘yun e, actually. There was even a time nung naglaro kami ng game show, ang pakilala ko sa kanya anak ko e. Sabi ko, nasa inyo ‘yan kung ano ang gusto ‘nyo kung saan kayo happy. I’ll give you all the freedom.
“Basta walang sakitan, ‘yun lang. Walang pisikalan. ‘Pag hindi, ako ang haharap sa ‘yo,” saad ni Joey Marquez.
Regular cast si Joey sa Batang Quiapo, at hindi raw siya basta-basta tumatanggap ng ano mang projects.
Pero nagustuhan niya itong I’m Perfect kaya niya tinanggap.
Kapag wala siyang trabaho, nasa farm lang niya ito sa Cavite, nagtatanim ng mga gulay at punong kahoy.
Sobrang adjusted na siya at masaya na raw siya sa buhay probinsya.
“Bagong komunidad na na-experience ko ngayon na mas masarap pala ‘pag sa probinsya ka. Ewan ko ang iba, bakit gusto sa Maynila e.”
Paolo Gumabao, maghuhubad na rin sa entablado
Naka-apat na pelikula na ang na-produce ng Bentria Productions ni Engr. Benjamin Austria. At ngayon ay nag-venture naman siya sa stage play.
Ginagawa nila ngayon ang isang mapangahas na stage play na pinamagatang Walong Libong Piso na sinulat at dinidirek ni Dante Balboa.
Ayon kay direk Dante, humigit-kumulang isa’t kalahating oras ang running time ng psychological play, kung saan mag-isa lang sa entablado ang karakter na halinhinang gagampanan nina Paolo Gumabao, Jhon Mark Marcia, Juan Paulo Calma, at Drei Arias.
Sa script, merong eksena ng macho dancing, pagsa-shower at pagsasariling-sikap.
Magpapatalbugan ang apat na sexy actor sa kani-kanyang performance na sa pelikula ay pawang nag-frontal nudity na sila, pero iba siyempre sa entablado na merong live audience.
Tila nauuso na rin kasi ngayon ang mga nagpo-frontal nudity sa entablado, na talagang pinag-usapan ang pagpapakita ni Ross Pesigan at nagpasilip din si Martin del Rosario sa Anino sa Likod ng Buwan.
Meron pang iba na ginagawa ng ilang VMX actors ng production ni Atty. Vince Tañada.
Kaya tiyak na hindi magpapakabog dito sina Paolo Gumabao, Drei Arias, John Marc Marcia at Juan Paolo Calma. “Alam ko naman pong walang cam dito. Kung ano po ‘yung puwede nating ipakita ay maipapakita natin diyan! Laban naman po ako dun!” bulalas ni Juan Paulo sa mediacon nito noong Biyernes na ginanap sa Manila Hotel.
Sabi naman ni Drei, “Sa akin din po, laban din natin iyan!”
Lalaban din diyan si Paolo Gumabao siyempre. “Kung ano ang gusto ni Direk na ilabas namin, kung ano ang gusto ni Direk na gawin namin sa entablado, buong puso naming gagawin ‘yon para sa script,” pakli ni Paolo.
Pahayag ni Jhon Mark, “Sa akin po, kung ano ang ipapakita — lahat po! Lahat, lahat po, mapapanood n’yo!”
Dapat nilang patunayan na hindi lang paghuhubad ang kaya nilang ipakita, kundi may ibubuga rin sila sa pag-arte, lalo na dito sa entablado.
Pahayag ni Paolo, “Siyempre since ikaw lang ‘yung kaisa-isang artista sa stage, kailangan mong maghanap ng ways para hindi magkaroon ng dead air.
“Kasi siyempre, isa’t kalahating oras tatakbo ‘yung play. So importante, lalo na mag-isa ka sa stage, every emotion, every nuance, dapat maipakita mo, mai-express mo nang maayos sa audience.
“Siguro ‘yung pinaka-challenge is how to make it not boring for an hour and 30 minutes. How to play it in a way na captivating panoorin.
“How do you play it in a way na magugustuhan ng mga audience.”
Wala pang final date ng performance na naka-schedule raw sa buwan ng August.
