Joey, naniniwalang walang obligasyon ang anak sa magulang!


Labing-anim ang lahat ng naging anak ni Joey Marquez mula sa magkakaibang naging asawa o nakarelasyon noon. Sa edad na 61 taong gulang ay naniniwala ang aktor na walang obligasyon ang mga anak na mag-alaga kapag matatanda na ang magulang.

“Para sa akin wala eh, kasi bilang magulang, ako kasi hindi ko itinuring na investment ang mga anak ko. Itinuring ko silang responsibilidad. Kailangang gawin ko lahat para sa magandang future nila. Kung sumikat sila, kung yumaman sila, I promised myself kahit may sakit ako, kahit nasa kalye na lang ako, I will never bother them. May pride ako eh. Basta sinasabi ko sa kanila na, ‘Do best in life and be successful.’ And that’s more than enough,” makahulugang pahayag sa amin ni Joey sa Fast Talk with Boy Abunda.

Mayroong payo ang aktor para sa lahat ng pamilya lalo na sa mga kabataan ngayon.

“Tatay na dapat gawin ang responsibility without asking anything back. Ang tatay ibibigay niya lahat kahit nahihirapan na siya, but he will not ask anything back. Kahit nahihirapan siya, hindi kikibo ‘yan. Kaya sabi ko always love your parents,” giit niya.

Kahit magkakaiba ng ina ang mga anak ni Joey ay nananatiling magkakaibigan ang mga ito.

Maganda ang turingan sa isa’t isa ng lahat ng anak ng aktor. “Ang magaling dito kasi, ‘yung development (stage) ng bata. Kapag ‘yung nanay, tatay, nagsisiraan, naaapektuhan ‘yung bata eh. That’s one of my law. Wala kayong sisiraan kahit na sino. Sa mga bata, sa mga tatay, sa mga nanay, kung wala kayong masabing maganda, don’t talk anymore,” pagbabahagi ng aktor.

Samantala, ngayon ay matalik na magkaibigan ang turingan ni Joey at ng dating asawang si Alma Moreno. Nabiyayaan ng apat na anak ang dating mag-asawa na nagkasama ng mahigit labingtatlong taon.

“Best friend ko siya. Siguro na-realize naming pareho na kailangang i-consider ang mga anak namin. Whenever na magkaaway kami, maaapektuhan ‘yung mga bata. What I did, sabi ko, hindi man tayo tumagal na husband and wife but we can be friends or best friends. By doing that, para naman ma-compensate ‘yung lungkot ng mga anak natin na naghiwalay tayo,” paliwanag ni Joey.

Ipinapaalam pa umano ng aktor sa kanyang partner ngayon na si Malou Quintana ang bawat tulong o regalong ipinaaabot sa mga anak o dating mga karelasyon. “Oo siyempre, para with due respect din. Respeto sa lahat, kasi kung partner mo, huwag mo siyang i-blindside, kailangan alam din niya. Because that’s (what) our partner’s for eh. They’re good friends also. All of them are good friends. Sabi ko nga, nagkamali na ako, umabuso na ako, bakit ko pa gagawing malala? Siguro I’ll solve it in a good way,” pagtatapat ng aktor. — Reports from JCC