Muntik na palang sumuko sa showbiz si Joshua Garcia at umuwi na lang ng Batangas.
Confused daw siya that time. Kung magda-drama ba siya o magsasayaw na lang.
Ito ay nang tanungin siya kung dumating ba siya sa point na nasabi niya na It’s Ok To Be Not Okay na maituturing niyang biggest challenge sa kanya bilang isang actor.
“Biggest challenge sa career ko? Before actually meron akong… kasi bilang isang artista, kailangan mong pumili ng larangan kung saan mo gustong mag-excel o gusto mong makilala ka.
“Noong time na ‘yon, challenge sa akin kung ano ang pipiliin kong larangan.
“Acting ba o gusto ko na lang sumayaw na lang, o gusto kong kumanta. And at that time, mas gusto kong umarte. That was the time na… kaya ako dumating sa ganung decision, kasi nawawalan na rin ako ng work, natatanggal ako.
“Kumbaga, noong umpisa bida ako, then, naging third wheel ako. Tapos ‘yun nga, natatanggal na ako.
“So kailangan kong pumili. Kasi kung hindi ako pipili, uuwi ako ng Batangas, kasi walang mangyayari sa akin dito sa Maynila. Feeling ko ‘yun ang pinakamalaking challenge sa akin.
“Kumbaga nag-iba ang buhay ko after that decision. Na sinipag na nga akong mag-workshop, nagsipag na ako,” paglalahad ng aktor sa media conference ng ilang cast at director ng It’s Ok To Be Not Okay noong isang gabi.
Na tama ang naging choice niya dahil isa siya sa bankable actors ng ABS-CBN na kamakailan ay tumanggap ng Box Office Hero trophy mula sa 8th EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) para sa balik-tambalan nila ni Julia Barretto na Un/Happy For You na ipinalabas noong 2024.
Kumita ito ng P480 million sa takilya.
At ngayon ay nagbibida siya sa It’s Ok To Not Be Okay kasama sina Anne Curtis (Mia) and Carlo Aquino (Matmat).
Ang galing niya bilang si Patpat na pa-hard to get kay Mia.
Dahil diyan ay hinihingan na siya ng advice lalo na sa mga mas batang kasama niya sa IOTNBO.
«Nandun na ‘ko sa nagbibigay na ako ng advice. Ako, advice ko? Parang nakakahiya mag-advise sa kanila. Siguro ano na lang, ang hirap naman. Huwag kayong mapagod matuto.
«Huwag ninyong isipin na magaling na kayo kasi kahit ako, hanggang ngayon, ganun ako eh.
«Pero ‘wag naman kayong ma-frustrate sa mga ginagawa ninyo pero ‘wag lang kayong mapagod matuto. Maganda ‘yun eh, palaging may bago kayo sa sarili ninyo. Palaging may bago kayong natututunan tapos maa-apply ninyo sa next project ninyo.
«May bago kayong nakasama, may natutunan ka ru’n. Palaging may bago tapos of course, always respect sa mas matanda sa inyo sa industriya at of course, ‘yung mga staff natin, ‘yung crew kasi nasa kanila ‘yung chismis. Alagaan ninyo sila,» payo naman ng actor.
Samantala, aminado si Joshua na mabigat ang character niya bilang si Patpat, pasan niya raw ang mundo rito. «Ang bigat nung dinadala ng character ko rito. Ang dami niyang pasan. Pasan niya ‘yung mundo. Pasan niya ‘yung kapatid niya tapos ‘yung sa nanay niya pa, ‘yung hustisya and then ito pa, ‘yung issue niya sa gusto niya nung bata siya. I think, mas dun ako nag-focus, kung paano ko bubuuin si Patrick. Kung paano ‘yung emotional ano niya… kung paano siya magdesisyon, mga ganun,» paglalahad niya sa ginagampanang papel sa local adaptation ng Korean drama na pinagbibidahan naman nina Kim Soo-hyun; Seo Yea-ji at Oh Jung-se.
Ibinahagi rin niya na nakaka-relate siya sa karakter at ibinuhos niya raw ang kanyang kaluluwa sa pag-portray kay Patpat.
Kaya naman sobra ang naging bonding nila ng buong cast.
«Sa Dumaguete, parang nai-emo ako. Naging emotional lang ako kasi parang nag-end and grabe rin ‘yung bonding. Kahit na minsan hindi kami nagpapansinan kasi busy sa set, nandudoon pa rin ‘yung parang bonding namin. Nakakalungkot at masasabi ko ay sobrang proud talaga ako sa nagawa natin,» na ang kinakausap ay ang mga kasama niya sa nasabing palabas na andun din sa media conference tulad nina Maricel Laxa, Xyriel Manabat, Aljon Mendoza, Bianca de Vera, Louise Abuel, at iba pa.
«Hindi ko na maisa-isa lahat pero marami akong funny na moment with the cast, of course, sa behind the scene and with Anne lalo na kasi siya ‘yung palagi kong kasama sa eksena.
«So I think, sila ‘yung mas… pero dito parang lahat kasi ka-close ko eh. Nabantayan ko kasi sila lahat eh. Ito lang, takbo nang takbo (Albee Casiño). Pero yeah lahat, lahat sila close ko. Magkakaiba ‘yung relationship ko with them. May sarili kaming mga chismis like for example, kay Tita Maricel (Laxa), iba ‘yung chismis namin, vacation ganun,» kuwento pa ni Joshua.
Sa pangunguna ng award-winning box office director na si Mae Cruz Alviar at creative producer na si Henry Quitain, ang teleserye ay tumatalakay sa iba’t ibang aspeto ng mental health issues, habang inihahalo ang kultura ng Pilipino sa local adaptation ng Korean drama series sa pamamagitan ng pagpapakita ng magagandang lokasyon sa Pilipinas at pagbida sa mga mahuhusay na Pinoy illustrator at animator.
