JRU itinakas ni Panapanaan | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inilusot ni Ivan Panapanaan ang Jose Rizal University laban sa Arellano University, 79-77, sa crossover eliminations ng Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila City.

Ang game-winning basket ni Panapanaan ang nag­taas sa kartada ng Hea­vy Bombers sa 5-4 kasosyo ang Letran Knights sa third place sa Group B.

Tumapos si Panapa­naan na may apat na puntos.

“With this type of game, talagang napapabilis ‘yung maturity ng team namin,” sabi ni rookie head coach Nani Epondulan.

Nahulog ang Chiefs sa ikatlong dikit na kabigu­an para sa 3-6 baraha sa Group A.

Matapos ang mintis ni Mav Vinoya sa posesyon ng Arellano ay nakuha ng Jose Rizal ang rebound na nagresulta sa game-winning layup ni Panapanaan.

Bumanat si Shawn Argente ng 20 points, ang 15 ay iniskor niya sa first half, para pamunuan ang Heavy Bombers.

Nagdagdag si Sean Salvador ng 19 markers.

Umiskor si Joseph Hernal ng 17 points para sa Chiefs na nakahugot din kay Renzo Abiera ng 15 mar­kers.

May bakas namang 14 points si Ernest Geronimo.