November 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kasama si Kai Sotto sa delegasyon ng Gilas Pilipinas na tutulak sa Guam para sa first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Kinumpirma ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na bahagi ng delegasyon ang 7-foot-3 cager ngunit nilinaw nitong hindi ito maglalaro.
Nais lamang ni Cone na makasama si Sotto upang hindi ito mawala sa sistema at makitang maglaro ang mga teammates nito.
Masaya rin si Sotto na suportahan ang laban ng kanyang mga katropa.
“He won’t play but he is going to attend. He wants to support the team and we’re really happy he’s coming. So we’ll see what he can do,” ani Cone.
Nasa rehabilitasyon pa si Sotto matapos sumailalim sa operasyon dahil sa tinamo nitong torn ACL sa unang bahagi ng taon.
Kaya naman hindi ito makalalaro pa sa ngayon upang tuluyang gumaling ang kanyang injury.
Inaasahang makakabalik ito sa aksyon sa susunod na taon.
Dahil dito, pupunan muna ni Quentin Millora-Brown ang maiiwang puwesto ni Sotto.
Pagkakataon din ni Sotto na makita ang laro ni Millora-Brown na magiging teammate nito sa mga susunod na laban ng Gilas.
Nasa matinding ensayo na ang Gilas para masigurong nasa magandang kundisyon ito bago tumulak sa Guam.
Nakatakdang umalis ang tropa sa Nobyembre 25 para sa away game ng Gilas Pilipinas kontra sa Guam sa Nobyembre 28.
Nanganganib pang hindi makasama ang ilan sa miyembro ng Gilas Pilipinas dahil sa problema sa visa kabilang na si Carl Tamayo.
Wala rin sa tropa si TNT shooter Calvin Oftana na nagtamo naman ng hamstring injury habang naglalaro ito sa PBA Philippine Cup.