MANILA, Philippines — Pinagreynahan ng National University Nazareth School ang 2025 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 matapos takasan ang Bacolod Tay Tung, 27-25, 16-25, 21-25, 30-28, 15-13, sa ‘winner-take-all’ finals kahapon sa La Salle Green Hills Gym.
Humataw si Sam Cantada ng 21 points, ang apat dito ay iniskor niya sa krusyal na bahagi ng fifth frame, para igiya ang Lady Bullpups sa titulo ng pinakamalaking grassroots volleyball league sa bansa na sinuportahan ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Ito ang unang SGVIL crown ng NUNS matapos mabigo sa nakaraang dalawang edisyon.
Idinagdag nila ito sa naunang tagumpay sa UAAP at Palarong Pambansa.
Pumalo rin si Denesse Daylisan ng 21 markers para sa Lady Bullpups at may 14 at 12 points sina Jenelyn Jacob at Harlyn Serneche, ayon sa pagkakasunod.
“Itong game na ito, hindi talaga nag-giveup ang mga players. Nandoon ang eagerness and puso nila na makuha pa rin ang panalo kahit na down kami,” wika ni NUNS coach Karl Dimaculangan.
Nagpasabog si Rhose Almendralejo ng league-record 35 points para sa Thunderbolts at may 20 markers si Ana Hermosura.
Muling nabigo ang Bacolod Tay Tung sa NUNS sa ikalawang sunod nilang finals duel matapos sa Palaro sa Ilocos Norte.
Tinalo ng Domuschola International School ang Everest International Academy, 25-11, 26-24, 25-17, sa Division 2 finals.
