MANILA, Philippines — Nasa kamay na ng Barangay Ginebra ang kanilang kapalaran para sa hangad na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round ng Season 49 PBA Philippine Cup.
Ang 85-81 paglasing ng Gin Kings sa Magnolia Hotshots sa kanilang ‘Manila Clasico’ noong Linggo ang nagtaas sa baraha ng tropa ni coach Tim Cone sa 6-3 para sa solong fourth place sa team standings.
“We put a couple of losses together, would have been tough to get back into the hunt for the Top Four. But this keeps us firmly in the hunt, allows us to control our own destiny,” wika ni Cone.
Nauna nang nabigo ang Ginebra sa nagdedepensang Meralco, 73-82.
“It shows your true character when you face adversity,” sabi ni Fil-Am guard Stephen Holt na tumipa ng 14 points, 7 rebounds, 2 assists at 1 steal sa pagdaig ng Gin Kings sa Hotshots.
Kasosyo ngayon ng Magnolia sa liderato ang NLEX sa pareho nilang 7-2 record kasunod ang San Miguel (6-2), Ginebra (6-3), TNT Tropang 5G (5-3), Rain or Shine (5-3), Converge (6-4), Meralco (6-5) at mga sibak nang Phoenix (2-7), NorthPort (1-7), Blackwater (1-7) at Terrafirma (1-8).
Ang top four teams matapos ang single-round eliminations ang magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa uupo sa No. 8, 7, 6 at 5 spots, ayon sa pagkakasunod.
Para makuha ang isang bonus sa quarterfinals ay kailangang walisin ng Gin Kings an huli nilang dalawang laro kontra sa Tropang 5G sa Linggo sa Ninoy Aquino Stadium at ang Elasto Painters sa Hunyo 15 sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang matibay na depensa ang muling magiging susi ng ‘never-say-die’ team para makamit ang kanilang hinahangad, ayon kay Cone.
