Kapatid ng mayamang aktres, nakapangasawa ng bading na hapon!


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

October 15, 2025 | 12:00am

May nasagap kaming kuwento sa ilang araw na bakasyon namin sa Numazu sa may Shizuoka, Japan.

Doon pala nagtatrabaho ang kapatid na babae ng maganda at yayamaning aktres.

Maganda rin daw itong si sisteret na ang daming nai-in love na mga hapon, at kahit mga Pinoy rin.

Hanggang sa nahulog si girl sa isang guwapong Hapon na kilala pala siyang singer doon.

Miyembro raw ito ng isang banda na pinakasalan ng sisteret ni maganda at yayamaning aktres.

Hindi lang matantiya kung dalawa o tatlong taon silang nagsasama bago sila nagkahiwalay.

Ang dahilan ng hiwalayan, kulang sa sex ang maganda sana nilang pagsasama.

Inamin na rin later on ng Japanese husband na lalaki raw ang gusto niya.

Pinipilit niyang magpakalalaki dahil gusto rin sana niyang makabuo ng magandang pamilya. Pero hindi raw talaga kinaya.

Aminadong bading talaga siya at ipinagtapat na niya ito sa kapatid ni magandang aktres.

Tinanggap naman ni girl at alam niyang magiging problema lang ito sa kanilang pagsasama.

Kaya tuluyan na silang naghiwalay na hindi man lang nabiyayaan ng anak.

Tuloy ang buhay ng kapatid ng maganda at yayamaning aktres.

Nagtatrabaho raw ito sa isang malaking mall na kung saan ay nagtitinda sila ng mamahaling alahas.

Sabi nga ng aming source, parang saleslady talaga siya sa mall na ‘yun, pero sosyal na jewelry store.

Nagtatrabaho raw ito nang maayos at minsan ay umuuwi-uwi rin dito sa Pilipinas para madalaw ang kanyang magulang.

Napakaganda rin daw nitong si girl kagaya ng kanyang sikat na kapatid.

Pero simple lang daw ang buhay sa Japan, at nagtatrabaho lang, hindi umaasa sa yayamanin niyang kapatid.

Cassy, namana ang ‘bilis’ ng ina

Nagsimula na nung Lunes ang bagong afternoon drama ng GMA 7 na Hating Kapatid.

Hindi nga lang ganun kabongga ang rating ng pilot episode nito. Naka-5.6 percent lang.

Nataon pang mababa ang viewership nung araw na ‘yun, dahil hindi rin ganun kataas ang iba pang afternoon drama.

‘Yung Cruz vs. Cruz na consistent na mataas ay 6.3 percent at ang Akusada ay 6.1 percent.

Tingnan natin kung curious ba ang manonood na subaybayan kung paano ba magtatagpo ang kambal na Cassy at Mavy Legaspi sa kuwento nitong Hating Kapatid.

Maiksi pa lang ang exposure ng kambal, pero sa isang eksenang ‘yun, mas nagustuhan namin si Cassy.

Nakakarating nga sa aming mas mabilis daw magtrabaho ang mag-inang Carmina Villarroel at Cassy.

Samantala, maganda ang ending ng My Father’s Wife na pinalitan ng Hating Kapatid.

Noong Biyernes, Oct. 10, ay ito ang pinakamataas sa mga afternoon drama ng Kapuso network.

Sa finale episode nito noong Sabado ay naging 7.9 percent pa ito. Kaya maganda ang pagtatapos ng naturang drama series nina Kylie Padilla at Gabby Concepcion.