September 27, 2025 | 12:00am
Isa sa pinaka-makapangyarihang tao ngayon si China President Xi Jinping. Pero malihim ang China Communist Party na pinamumunuan niya, kaya mahiwaga ang kaniyang pagkatao, anang The Economist.
Maaring hiwatig ng karakter niya ang kanyang ama na si Xi Zhongxun. Kalalathala pa lang ng aklat tungkol dito na “The Party’s Interests Come First” ni Joseph Torigian base sa maraming sources.
Isa sa makukulay na eksena ay ang hapunan ku’ng saan hirap na hirap si Xi Zhongxun nu’ng edad-70 na nguyain ang steak. Niluwa niya ito at inilagay sa plato ng anak, na noo’y edad-30 at mabilis na umaangat sa mga posisyon sa CCP.
Tahimik na isinubo at nilunok ni Xi Jinping ang pinagmulmulang karne. Napatunayan du’n ang pagiging masunurin ng anak sa ama, na nangaral na sinumang sumusuway sa magulang ay hindi umaasenso.
Mataas na pinuno ng CCP at malapit kay chairman Mao Zedong si Xi Zhongxun. Pero nag-away sila nu’ng tumulong maglathala ang huli ng aklat kontra sa una. Hindi nagtagal, nilunsad ni Mao ang cultural revolution ku’ng saan 2 milyong Chinese ang pinatay. Kinulong si Xi Zhongxun at pinahirapan ang 20,000 na tagasuporta niya.
Kinulong din ang batang komunistang Xi Jinping. Tinuya siya ng red guards ni Mao. Pati ina niya ay binato siya ng bulok na kamatis.
Pumalit kay Mao si Deng Xiaoping. Ginawang CCP provincial chief si Xi Zhongxun. At itinalaga sa matataas na puwesto si Xi Jinping.
Hindi lang sa ama kundi pati sa CCP ay tapat si Xi Jinping. Pero inamin niya kay Japan Prime Minister Abe Shinzo na ku’ng naging Amerikano siya, sasali siya sa Republican o Democrat Party, hindi sa Communist Party of United States. Sinuri ito ng mga pantas.
Sumasali si Xi Jinping sa partido para kumamal ng kapangyarihan. Balewala ang ideyolohiya. Mahalaga sa kanya ang sariling interes.