Knicks delikado na sa Pacers


INDIANAPOLIS — Inilapit ng Indiana Pacers ang sarili sa NBA Finals matapos talunin ang New York Knicks, 130-121, sa Game 4 at kunin ang 3-1 lead sa Eastern Conference finals.

Kumolekta si Tyrese Haliburton ng triple-double na 32 points, 15 assists at 12 rebounds para ilapit ang Pacers sa ikalawang NBA Finals stint.

“He was our leader tonight and we had some difficult film stuff yesterday, not fun,” wika ni coach Rick Carlisle kay Haliburton na nagtala rin ng apat na steals.

Nakatakda ang Game 5 bukas sa balwarte ng Knicks.

Nagdagdag si Pascal Siakam ng 30 points habang ang three-point shot ni Obi Toppin sa huling 46 segundo ng fourth period ang sumelyo sa panalo ng Indiana na hindi pa natatalo ng dalawang dikit simula noong Marso 10.

Kumamada si guard Jalen Brunson ng 31 points habang nagposte si Karl-Anthony Towns ng 24 points at 12 rebounds para sa New York na nakakuha kay OG Anunoby ng 22 points.

“We’ve all got to be better. We’ve got to be better as a team,” wika ni Towns na nagkaroon ng left leg injury sa huling 2:11 minuto ng laro. “It’s unfortunate we couldn’t find a way tonight when we found a way in all the other series to do it.”

Inilista ng Pacers ang 43-35 bentahe habang naagaw ng Knicks ang 64-63 abante sa second quarter.

Nang mabawi ang 69-64 kalamangan ay lumayo ang Indiana sa 110-96 tampok ang limang puntos ni Siakam.