MANILA, Philippines — Nagpasiklab sina veteran cyclists Maritanya Krogg at Ronnel Hualda sa kani-kanyang dibisyon sa opening day ng PhilyCling Tagaytay City Criterium 2025 kahapon sa Tagaytay City.
Pinagreynahan ni Krogg ang Women’s Youth (under 17) kung saan malayo ito sa kanyang mga karibal para magaan na masiguro ang gintong medalya.
Nakaabot si Krogg sa finish line na nasa harap ng Crisanto de los Reyes Avenue sa bagong Tagaytay City Velodrome na may 39 segundong bentahe laban kay silver medalist Yvaine Osias.
Malayo naman ito ng isang minuto kay third-placer Princess Jaydee Pancho.
Naibulsa ng PhilCycling National Road Championships at Batang Pinoy Nationals veteran ang P3,000 cash prize sa event na inorganisa ng PhilCycling sa pakikpagtulungan sa MVP Sports Foundation at Philippine Olympic Committee at Tagaytay City na pinamumunuan ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino.
Sa kabilang banda, nanguna si Hualda sa Men’s Masters B (40-up) kung saan tinalo nito sina Romeo Camingao at Marc Galedo.
Napasakamay ni Hualda ang P5,000 premyo habang nagkasya si Camingao sa P3000 at P2,000 para kay Galedo sa event na ginanap sa Tagaytay City Velodrome ang first indoor, 250-meter wooden track facility na may International Cycling Union standard.
Nagtapos naman sina Daniel Cortero, Jerick Cabael at DJ Perez ng 1-2-3 sa Men’s Youth (under 17) category habang pasok sa top 3 sina Juan Carlos Barrios, Leonel Dimaano at Joey de los Reyes sa Men’s Masters A (30-39) class.
