MANILA, Philippines — Tinulungan nina Angel Anne Canino at Shevana Maria Nicola Laput ang De La Salle University na gumapang upang gilitan ang University of Sto. Tomas, 23-25, 25-20, 30-28, 29-27 sa playoff game ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum, kahapon.
Dalawang beses na inahon nina Canino at Laput ang Lady Spikers mula sa pagkakalubog sa sets 3 (13-18) at set 4 (17-22) kaya hindi lang ang mahirap na panalo ang nasilo nila kundi ang No. 2 seed.
“Sabi namin sa kanila na hindi pa tapos ang laban, nakuha lang namin iyung twice-to-beat, pero pagdating sa actual na semis, tayo ang may advantage,” ani DLSU assistant coach Noel Orcullo.
Tumikada si Canino ng 24 points mula sa 19 attacks, apat na blocks at isang service ace habang 22 ang kinana ni Laput para sa Taft-based squad na may twice-to-beat advantage sa semifinals.
May insentibo ang top two teams pagkatapos ng eight-team double round robin, nauna ng nasikwat ng defending champion ang isa nang masiguro ang top seeding sa nilistang 12-2 karta.
Bumakas sina Alleiah Jan Malaluan, Amie Provido, Baby Jyne Soreno at Katrina Del Castillo ng 11, 10, 6 at 6 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Lady Spikers na makakalaban ulit ang Golden Tigresses sa semis.
Bumida sa opensa para sa UST si Angeline Poyos na may 24 markers, kailangan nilang sakmalin ang DLSU ng dalawang beses para umusad sila sa championship round.