Lady Blazers lusot sa Lady Knights


Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

BATANGAS CITY, Philippines — Tinakasan ng College of Saint Benilde ang Letran, 27-29, 25-22, 25-22, 23-25, 15-8, para sa ikalawang sunod na panalo sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals Batangas Leg kahapon dito sa University of Batangas Millennium Gym.

Bumalikwas ang four-time NCAA champions Lady Blazers mula sa isang fourth-set meltdown para talunin ang Lady Knights sa torneong itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

Iniskor ni Shahanna Lleses ang apat sa kanyang team-high 19 points sa fifth frame para sa pagdaig ng CSB sa Letran na pinatumba nila sa nakaraang dalawang NCAA finals.

Nagdagdag si Zam Nolasco ng 16 markers at may 13 markers si Clydel Catarig para sa Lady Blazers.

“Iyong ginawa lang po namin is in-game adjustments. Kung ano ang kulang sa amin ‘yun ang pinupunan namin,” ani Catarig. “Papasok sa fifth set pinag-usapan namin na tapusin na natin ito and may game pa rin bukas para makapahinga pa.”

Nakatakdang labanan ng CSB ang Far Eastern University ngayong alas-6 ng gabi.

Target ng Lady Blazers, third placer noong nakaraang taon, sa Lady Tamaraws ang korona sa final stop ng three-leg tournament.

Pumalo si Judiel Nitura ng 25 points para sa 0-2 marka ng Lady Knights at haharapin ang University of Batangas sa unang laro sa alas-4 ng hapon.