Lady Bulldogs balik-Finals | Pilipino Star Ngayon


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Balik sa finals ang National University matapos nilang laplapin ang Far Eastern University, 25-20, 27-25, 25-21 sa semifinals ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na nilaro sa Ninoy Aquino Stadium  Manila kahapon.

Bumida sa opensa para sa Lady Bulldogs sina skipper Vange Alinsug Celine Marsh para ihakbang ang koponan sa champioship round ng ligang katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal C­hicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

Nagtala si Alinsug ng 11 points mula sa siyam na attacks at dalawang blocks habang siyam ang kinana ni Marsh na nahirang na Most Valuable Player of the Match.

Winalis ng three-time defending champion at unbeaten, Lady Bulldogs ang Lady Tamaraws pero napalaban sila ng todo sa second set ng magbigay ng matinding laban ang FEU sa tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.

“Nalinis namin ‘yung galaw namin and nung sa second set that was a test of character para sa amin. Itong game na ito is very important for us para makaangat kami sa finals,” sabi ni Marsh.

Tumikada naman sina Chams Maaya at Josline Salazar ng tig-walong puntos para sa NU na naghihintay ng makakalaban sa best-of-three championship na magsisimula sa Nob­yembre 8 sa Rizal Memorial Coliseum sa liga na mapapanood sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.