Lady Bulldogs nakatutok sa back-to-back crown


 Matapos lusutan ang Lady Tamaraws sa final four

MANILA, Philippines — Nakaiwas sa ‘do-or-die’ Game Two ang defending champion National University matapos nilang lapain ang mahirap na 20-25, 22-25, 25-23, 25-14, 17-15 panalo kontra sa Far Eastern University sa Final Four ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Ara­neta Coliseum.

Hinataw ni  reigning two-time Most Valuable Pla­yer Bella Belen ang hu­ling puntos para sa Lady Bulldogs na muling sasam­pa sa pang-apat na sunod na finals stint.

Nagtulungan sina Ger­zel Mary Petallo at Jaz­lyn Ann Ellarina upang ma­kauna ang Lady Tamaraws sa first at second set at na­murong makahirit ng ‘rubber match’ Game Two.

Lumabas ang bangis ng NU upang sakmalin ang panalo sa tatlong natitirang sets nang mag-init ang opensa nila Belen at Alyssa Solomon.

Masaklap ang pagkatalo ng fourth-ranked na FEU.

Tumikada si Belen ng 24 points para sa Lady Bulldogs, habang bumira si Solomon ng 21 mar­kers mula sa 18 attacks, dalawang service aces at isang block.

May 18 points si Evangeline Alinsug at walong mar­ka ang ambag ni Alexa Nichole Mata.

Umiskor si Faida Ba­kanke ng 15 points kasama ang 11 kills at apat na blocks para sa FEU.