MANILA, Philippines — Isiniksik ni Raissa Janel Ricablanca sa three-way tie sa top spot ang Mapua University matapos nilang igupo ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-20, 25-23, 23-25, 25-17 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament 1st round eliminations na nilaro sa UPHSD Gym, kahapon.
Tumikda si Ricablanca ng 17 points para sa Mapua na nilista ang 7-2 card, kapareho ang defending champion College of Saint Benilde at ang Perpetual Help.
Nakatuwang ni Ricablanca sa opensa sina Freighanne Seanelle Garcia, Nadine Angeli Berces, Alyana Nicole Ong at Therese Angeli Manalo na nirehistro ang 14, 12, 10 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasusunod.
Humarabas sa iskoran para sa Lady Altas si Jemalyn Menor na may 18 markers mula sa 15 kills at tatlong service aces habang bumira si Winnie Bedana ng 13 at 10 ang tinipa ni Shaila Allaine Omipon.
Umiinit ang labanan sa magic four, nasa pang-apat ang Letran na may 6-2 baraha, may isang laro pa ang Lady Knights sa first round elims kaya posibleng maging apat sila na may kartang 7-2.
Sa Biyernes ang laro ng Letran, katapat nila ang San Sebastian College-Recoletos.
Samantala, nagwagi ang Emilio Aguinaldo College sa Jose Rizal University, 33-31, 25-16, 18-25, 20-25, 15-10 sa unang laro.
Si Erica Maye Bodonal ang umariba sa puntusan para sa Lady Generals, kumana ito ng 22 points mula sa 21 attacks at isang service ace para tulungan ang koponan na ilista ang 2-6 card.