Lady Chiefs pinasabog ang Lady Bombers sa SSL Unity Cup


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

September 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Naitakas ng Arellano University ang five sets win kontra Jose Rizal University, 25-19, 25-18, 23-25, 16-25, 15-10 kahapon sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na nilaro sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Naka-una ng dalawang sets ang Lady Chiefs pero biglang bumangon ang Lady Bombers para pasabugin ang sets 3 at 4 at makahirit ng deciding fifth set.

Hindi naman nasira ang diskarte ng Arellano, pinamunuan sila ni rookie Cassey Florida upang atakihin ang set 5 at ilista ang 1-0 karta.

Tumikada si Florida ng 19 points mula sa 17 kills at dalawang service aces para sa Arellano na sinaluhan sa tuktok ng Pool B ang Far Eastern University sa event na inisponsoran ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

“Mostly nag-relax kami kasi feel namin madali lang para sa amin. Kasi ‘yung first set and second set medyo relax lang kami dun. Then buti nakabawi,” ani Florida.

Humarurot agad ang Lady Chiefs sa kaagahan ng set 5 kung saan ay nilista nila ang 4-0 bentahe, umabot pa sa anim ang kanilang nilamang, 12-6 bago dumikit ng bahagya ang Lady Bombers, 13-10.

Pero hindi na ito pinaporma ng Arellano, pumalo si Leoranne Santiago ng back-to-back kills para selyuhan ang panalo sa tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, F2 Logistics, Team Rebel Sports, Belo Deo, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.

Nagtala si Yen Sabanal 12 points habang siyam ang kinana ni Santiago para sa Lady Chiefs.