Thrilla in Manila 2 hahataw ngayon


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Handa na ang lahat para sa makasaysayang pagdaraos ng Thrilla in Manila 2 na selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng ng pamosong laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier noong dekada 70.

Kasado na ang bakbakan ng mga Pinoy figh­ters laban sa mga foreign boxers tampok ang pagdepensa ni World Bo­xing Council (WBC) strawweight champion Melvin Jerusalem sa kanyang korona.

Makakasagupa ni Jerusalem si South African Siyakholwa Kuse sa main bout na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum.

“Malaking karangalan ito para sa akin dahil historic itong 50th anniversary ng Thrilla in Manila,” ani Jerusalem sa official weigh in na ginanap sa Gateway Mall 2 kahapon.

Walang nararamdamang pressure si Jerusalem. Sa halip, excited na itong sumabak sa harap ng mga kababayan nito.

“Wala namang pressure. Mas excited ako dahil maraming mahuhusay na fighters and maraming fans ang manonood,” ani Jerusalem.

Pasok sa timbang si Jerusalem na may bigat na 104.8 pounds. Parehong timbang ang naitala ng 22-anyos na si Kuse.

Inaasahang ibubuhos ni Jerusalem ang lahat upang mabigyan ng karangalan ang bansa sa harap mismo ng mga kababayan nito.

“Sobrang saya ko. Parang nanalo ako sa lotto dahil ito ang pinakamala­king laban sa boxing career ko,” ani Jerusalem na may hawak na 23-4 win-loss record.

Nagpasalamat si Jerusalem kay eight-division world champion Manny Pacquiao na siyang nagtaguyod ng pagdaraos ng Thrilla in Manila 2.

Masisilayan din sa event ang WBC International Middleweight fight nina Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial at Eddy Colmenares ng Venezuela.

Hahataw din ang WBC International Lightweight match nina Pinoy fighters Arvin Magramo at Berland Robles.