MANILA, Philippines — Nakisalo ang defending champion College of Saint Benilde sa Letran sa top spot matapos magwagi sa kani-kanilang kalaban sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na ginanap sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.
Inakay ni Cristy Ondangan ang Lady Blazers sa 25-16, 28-26, 19-25, 25-13 panalo kontra Jose Rizal University.
Tumikada si Ondangan ng 13 points mula sa 11 attacks at tig-isang block at service ace upang ilista ang 8-2 karta para sa Lady Blazers at saluhan sa tuktok ng team standings ang Lady Knights na nagwagi sa San Beda University, 25-22, 25-21, 27-29, 30-28 sa unang laro.
Magka-agaw naman sa No. 3 ang University of Perpetual Help System Dalta at Mapua University na may tig 7-2 baraha kaya mainit ang labanan sa Final Four dahil may tsansa pa ang ibang teams na makapasok sa semifinals.
Kumapit ang Lady Knights sa nagliliyab na laro ni Vanessa Sarie upang hindi sila makabitaw sa unahan sa event na may eight-team single round robin.
Nirehistro ni Sarie ang 24 points mula sa 21 attacks, dalawang blocks at isang service ace para tulungan ang Lady Knights.