October 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Lumiyab ang opensa ni Alyzza Devorosa upang akbayan ang Far Eastern University sa panalo kontra College of Saint Benilde, 25-21, 25-20, 21-25, 25-23 para sikwatin ang quarterfinals twice-to-beat advantage sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup second round kahapon sa San Andres Gym sa Manila.
Tumikada si Devosora ng 16 points, 13 attacks, dalawang service aces at isang block para ilista ang 2-1 karta at upuan ang No. 2 spot sa Pool F sa event na inisponsoran ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Pormang wawalisin ng Lady Tamaraws ang laban pero natisod sila sa set 3 kaya nakahirit pa ng isang set ang Lady Blazers sa event na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
Hindi naging madali para sa SSL National Invitationals Batangas Leg winner, FEU ang laban nila sa fourth frame, muntik pang masagad sa deciding fifth set mabuti na lang at pumutok sa opensa si Devosora para masungkit ang natitirang bonus.
“Tumatakbo sa isip namin na quarterfinals, kailangan maganda ‘yung standings namin. Goal talaga namin 3-0 kaso medyo nakulangan, naging shaky, nawalan ng pasa. So mas in-improve namin yun para makuha yung last set,” ani Devosora.
Mabibiyayaan ng insentibo ang top two teams sa bawat pool, nakuha na ng UST ang unang bonus dahil nasa tuktok sila ng Pool F sa liga na mapapanood sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.
Makakalaban ng Lady Tamaraws ang Pool E third seed University of the Philippines sa Martes, simula ng quarterfinals.
Tumapos ng 1-2 card ang CSB, makakalaban nila sa susunod na round ang may tangan na twice-to-beat na Adamson University.
Samantala, winalis ng University of Sto. Tomas ang Pool F matapos nitong kalusin ang San Beda University, 25-21, 25-9, 25-17 sa huling laro.
