October 8, 2025 | 12:00am
ISANG 33-anyos na truck driver sa United Kingdom ang kinailangan ng emergency treatment matapos makaubos ng tatlong kilong gummy candies sa loob ng tatlong araw!
Si Nathan Rimington, isang truck driver mula Yorkshire, ay umorder ng tatlong kilong cola-flavored gummy candy mula sa Amazon matapos mag-crave ng gummy candies.
Kinain niya ang 10,461 calories-worth ng gummies sa loob lamang ng tatlong araw, at nakaranas ng malubhang pisikal na sintomas pagkatapos.
Dinala siya sa emergency room na may matinding pananakit ng tiyan, pagpapawis, high blood pressure, at cold sweat.
Sa una, pinaghihinalaan ng medical staff na ang lalaki ay nagdurusa sa food poisoning, ngunit ipinakita ng karagdagang tests ang hindi karaniwang mataas na antas ng gelatin sa kanyang digestive tract.
Matapos magsagawa ng ilang tests, na-diagnose si Rimington na may acute diverticulitis.
Ang diverticulitis ay isang kondisyon kung saan ang maliliit na protrusions, na tinatawag na diverticula, ay nabubuo sa large intestines, na nagiging sanhi ng infection o inflammation.
Paliwanag ng mga medical expert, ang pagkonsumo nang malaking dami ng ilang ingredients, tulad ng gelatin, ay maaaring magpataas ng panganib ng intestinal obstruction.
Maaari ring mangyari ang mga systemic symptoms tulad ng lagnat, panginginig, indigestion, at pagsusuka.
Sa kaso ni Mr. Rimington, isinailalim siya sa intravenous fluid therapy. Naospital siya ng anim na araw sa intensive care na may mataas na lagnat at matinding pananakit ng tiyan.
Sa kabutihang-palad, ganap siyang gumaling at malamang ay hindi na siya magpapakabusog sa gummy candies.