September 25, 2025 | 12:00am
Isang lalaki sa China ang nag-viral matapos maipit ang kanyang ulo sa isang traffic light sa loob ng halos isang oras, matapos siyang sumalpok dito sakay ng kanyang electric scooter.
Naganap ang kakaibang traffic accident noong nakaraang buwan sa lungsod ng Chengdu. Minamaneho ng lalaki ang electric scooter nang bumangga ito sa isang temporary traffic light.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, naipit ang ulo ng lalaki sa loob ng traffic light, kaya kinailangang tawagan ang mga bumbero upang siya ay mailigtas.
Gayunman, hindi naging madali ang rescue operation. Inabot ng halos 40 minuto ang mga first responders sa paggupit sa metal casing ng traffic light upang ligtas na mailabas ang ulo ng lalaki.
Matapos mailigtas, dinala ang lalaki sa pinakamalapit na ospital kung saan siya ay ginamot.
Sa kasalukuyan, ganap nang naka-recover ang lalaki at maaari nang lumabas ng ospital.
Ang insidente ay umani nang maraming kakatwang comments mula sa mga netizens sa kabila ng seryosong kalagayan ng aksidente. Dapat daw maghinay-hinay sa pagpapatakbo upang huwag mabangga sa stop light.