Lalaki sa South Korea, kinasuhan dahil sa pang-iinsulto sa isang virtual Kpop group!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 24, 2025 | 12:00am

ISANG lalaki sa South Korea ang naging sentro ng isang demandahan matapos niyang insultuhin at i-bash ang hitsura ng Plave, isang Kpop boy band na binubuo ng limang digital avatars.

Ang PLAVE ay isang hindi pangkaraniwang Kpop group. Bagamat ang nakikita ng publiko ay mga 3D animated characters, sa likod nito ay mga totoong tao ang kumakanta at sumasayaw, na gumagalaw nang sabay sa boses at galaw ng performers gamit ang motion-capture.

Ibig sabihin, live at real ang performance nila, digital animated characters lang ang hitsura sa screen. Dahil dito, kaya nilang magtanghal sa “imposibleng” set (outer space, underwater, etc.). Parang pinanonood mo ang paboritong cartoon o game character, pero tao talaga ang nasa likod ng lahat.

Dahil sa kakaibang konsepto nito, naging problema ang mga negatibong pagpuna sa grupo lalo na sa social media platform na X (Twitter), gaya ng isang hindi pina­ngalanang South Korean na lalaki.

Matapos itong mag-post ng negatibong komento tungkol sa hitsura ng mga miyembro ng Plave noong July 2024, kinasuhan siya at sinisingil ng 6.5 million won (humigit-kumulang ?260,000) na kompensasyon para sa bawat mi­yembro ng grupo.

Iginiit ng lalaki na pinupuna lamang niya ang mga digital avatars. Gayunpaman, iginiit ng mga plaintiff (ang kompanya sa likod ng Plave) na ang limang tao sa likod ng mga digital avatars ay nakaranas ng matinding pinsala sa kanilang reputasyon dahil sa mga insulto.

Sinabi ng Korean court: “Sa panahon ng metaverse, ang avatar ay higit pa sa isang virtual image; ito ay isang paraan ng pagpapahayag para sa user, kanilang identidad, at kanilang paraan ng paki­kipag-ugnayan sa lipunan.”

Sa kabutihang-palad para sa lalaki, ibinaba ng korte na ang danyos na sinisi­ngil sa 100,000 won (humigit-kumulang ?4,000) bawat miyembro ng grupo.

Sumang-ayon ang mga legal na eksperto na bagama’t kakaiba ang kaso, ito ay mahalaga dahil ang korte ay nagpasya na ang pag-insulto sa isang digital avatar ay katumbas ng pag-insulto sa tunay na tao sa likod nito, na isang legal entity na maaaring magsampa ng reklamo at humingi ng pinansiyal na kompensasyon.