Leila Barros inaabangan na sa FIVB Worlds


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Masisilayan na ng Pinoy fans si Brazilian volleyball star Leila Barros na magsisilbing guest of honor sa FIVB Men’s Volleyball World Championship sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Inaasahang papanoorin ni Leila ang semis games sa pagitan ng Czech Republic at Bulgaria sa alas-2:30 ng hapon at ng defending champion Italy at world No. 1 Poland sa alas-6:30 ng gabi.

Posibleng magkakaroon din ng pagkakataon ang mga fans na makasalamuha si Barros sa fan zone ng MOA Arena kung saan dumaraan ang mga players sa tuwing matatapos ang mga laro.

Magkakaroon sana ng press conference si Leila kahapon ngunit nakansela ito matapos magkaaberya ang connecting flight nito mula Doha patungong Maynila dahil sa bagyong Opong.

Hindi malimutan ni Leila ang mainit na pagtanggap sa kanya ng Pinoy fans nang una itong tumapak sa Pilipinas noong 1999 para sa FIVB Women’s World Grand Prix — Manila Leg.

Kasama ni Leila ang buong Brazilian volleyball team na tunay na instant crowd favorite gaya nina Virna Dias, Ana Moser, Helia Souza Fofao, Janina Conciecao at Karin Rodrigues. Subalit sumentro ang atensiyon kay Barros na dinumog ng mga fans.

Malakas ang hiyawan sa oras na nahahawakan ni Leila ang bola. Itinanghal pa itong Most Popular Player sa naturang edisyon.

Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Leila sa pagmamahal ng Pinoy fans na hindi pa rin siya nakakalimutan mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.

“I still cherish the immense affection of the Filipino people, who welcomed me as if I were home,” ani Leila sa kanyang post sa social media.