MANILA, Philippines — Pagkakataon ng defending champion College of Saint Benilde na makalawit ang korona ngayong araw kaya muli nilang sasandalan sa opensa si Zamantha Nolasco sa pagharap nila sa Letran sa Game 2 ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament best-of-three finals na lalaruin sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan.
Sa alas-2:30 ng hapon magsisimula ang paluan ng bola sa pagitan ng CSB at Letran, pagkatapos ng awarding ceremony para sa individual categories.
Impresibo ang ipinakitang laro ni Nolasco noong Linggo nang talunin ng Lady Blazers ang Lady Knights, 26-28, 26-24, 25-16, 25-19 sa apat na sets, tumikada ito ng 21 points mula sa 12 attacks, walong blocks at isang service ace
Paniguradong muling kakapitan ng Taft-based squad si Nolasco upang tapusin ang serye at masungkit ang pang-apat na sunod na kampeonato.
Bukod kay Nolasco, sasandalan din ng Saint Benilde sa opensa sina Cristy Ondangan, Francis Mycah Go, Rhea Mae Densing, Clydel Mae Catarig at Shahanna Rheign Lleses.
Subalit inaasahang mapapalaban ang Lady Blazers bago makuha ang inaasam na korona dahil tiyak na itotodo ng Lady Knights ang kanilang lakas upang makahirit sila ng do-or-die Game 3.
Ibabangga naman ng Letran ang kanilang pambatong sina Sheena Vanessa Sarie, Gia Marcel Maquilang, Marie Judiel Nitura at Royce Dela Cruz.