Lolo sa U.K, pinagmulta dahil sa pagdura ng dahon na lumipad sa kanyang bibig!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 6, 2026 | 12:00am

ISANG 86-anyos na lolo ang napilitang magbayad ng £250 (mahigit P19,000) matapos siyang tiketan ng mga enforcement officers dahil sa kasong littering o pagkakalat.

Ang insidente ay naganap sa Skegness habang nagpapahinga sa isang parking lot si Roy Marsh nang biglang liparin ng hangin ang isang dahon at pumasok ito sa kanyang bibig.

Natural na reaksyon ng matanda na idura ito, ngunit saktong nakita siya ng dalawang opisyal na agad siyang nilapitan at sinita.

Inakala pa ni Marsh na nagbibiro lamang ang mga ito at tinawag pa niya ang isa na “silly boy,” ngunit laking gulat niya nang seryosohin nila ang paniningil ng multa.

Binatikos ng lokal na konsehal na si Adrian Findley ang pangyayari at tinawag ang pangyayari bilang sobrang higpit na wala na sa lugar, lalo na’t nakaaapekto ito sa turismo ng bayan.

Aniya, dapat ay may “discretion” o konsiderasyon ang mga otoridad sa pagitan ng totoong pagkakalat at sa mga aksidenteng sitwasyon.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakita ng kahigpitan sa UK.

Kamakailan, isang babae rin sa London ang pinagmulta ng £150 matapos magbuhos ng kaunting kape sa isang drainage bago sumakay ng bus, na nagdulot ng takot at pagkabigla sa publiko.