Lupang kinatatayuan ng ABS-CBN, naibenta na


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

February 28, 2025 | 12:00am

Ahh matutuloy na pala ang paggiba sa dating main building ng ABS-CBN.

Ito ay matapos sabihin ng ABS-CBN Corporation kahapon na pirmado na ang deal nila sa Ayala Land Inc. (ALI) para sa pagbebenta ng bahagi ng ari-arian nito sa Quezon City.

Isang Memorandum of Agreement nga ang nilagdaan ng Lopez-owned company at ALI para sa pagbebenta na sumasaklaw sa 30,000 square meters mula sa kabuuang 44,027.30 sqm ng property sa halagang P6.2 bilyon.

Ayon sa report ng ABS-CBN.com : “ABS-CBN will be consolidating its operations in the remaining 1.4 hectares of the Quezon City Property,”

Pero malungkot ang mga dating empleyado nila at naging bahagi ng nasabing network na nawalan ng franchise nung panahon ng Duterte administration. “This  means the ABS-CBN main building, a structure rich with broadcasting history and even national significance, is going down. Farewell, main building,” tweet ng former boss ng News Department ng ABS-CBN na si Lynda Jumilla.

Anyway, ayon pa sa report na lumabas sa kanilang website, sa ilalim ng MOA, ang pagbabayad para sa pagbebenta ay magiging installment basis.

At ang mga kikitain diumano ay gagamitin para sa unti-unting pagbabayad ng mga pautang.

Idinagdag ng ABS-CBN na ang deal ay napapailalim sa ilang kondis­yon, kabilang ang clearance mula sa Philippine Competition Commission, kung kailangan.

Sa kasalukuyan ay content provider na ang ABS-CBN kaya napapanood ang mga programa nila sa iba’t ibang platform.

Beaver Lopez, nagrorosaryo habang nagba-bike

Si Beaver Lopez ang naalala ko nang lumabas ang tungkol sa pagbebenta ng ilang bahagi ng lupa na kinatatayuan ng ABS-CBN Corporation.

Si Beaver ang may hawak ng Rockwell Corporation bago nag-decide na pasukin ang pulitika.

Few weeks ago ay naka-lunch namin si Beaver na second nominee for the party-list Partido sa Bagong Pilipino or PBP.

At isa sa naalala kong kuwento niya na everyday ay nagba-bike siya pa­punta sa puntod ng ama niyang si Eugenio “Geny” Lopez Jr.

At habang nagba-bike aniya, nagro-rosary siya.

Kaya naman iikutin nila ni Goyo Larrazabal (first nominee ng PBP) ang Pilipinas habang nagba-bike upang mangampanya.

Yup, healthy lifestyle siya sa edad na 57.

Natutulog daw siya ng 9 p.m. at hanggang 5:30 a.m., kaya may oras siyang magbisikleta at maabot ang kanyang 200 kilometeres na weekly quota.

At obviously, nakatulong ang pagba-bike niya sa iba’t ibang probinsiya para umangat sila sa survey.

As of this writing nabasa ko sa isang story na pumalo sila sa ika-19 na pwesto sa pinakabagong Tangere 2025 Pre-Election Party-List Survey.

Diumano’y nakasungkit ang grupo ng 1.52% voter preference, senyales na lalong lumalawak ang suporta sa kanilang barangay-first agenda.

Ang PBP ayon pa kay Beaver ay nakatutok sa mga isyu na diretsong ramdam sa mga barangay – malinis na tubig, mas maayos na health services, at matinong imprastraktura at wala sa isip niya na gawing priority sakaling manalo ang pagbabalik ng franchise ng Kapamilya network.

Sa kabuuan, meron palang 156 party-list groups ang naglalaban para sa mga puwesto sa Kongreso sa 2025 midterm elections.