Mag-utol nag-swimming sa beach resort, nalunod


MANILA, Philippines —  Nauwi sa trahedya ang isang masa­yang outing makaraang aksidenteng malunod ang mag-utol sa isang beach resort sa Brgy. Poblacion, Morong, Bataan nitong Sabado de Gloria.

Sa ulat ng Bataan Police, ang nasawing magkapatid ay nakilalang sina Aries Oraje, 18-anyos at kapatid nitong si Christian, 17; pawang ng Valenzuela City.

Base sa imbestigasyon, nagkatuwaang maligo sa dagat ng nasabing resort ang magkapatid kasama ang kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan.

Gayunman, tinangay ng malakas na alon ang isa sa magkapatid habang tinangka namang sumaklolo ng isa, pero kapwa sila nalunod.

Nagawa pang maiahon ng sumaklolong mga rescuer ang magkapatid, pero kapwa na binawian ng buhay sa insidente.

Bunsod ng pangyayari, nagpaalala ang PNP at ng lokal na pamahalaan sa publiko na mag-ingat sa paliligo sa dagat, ilog, swimming pool, at iba pa lalo na kung nakainom ng alak upang maiwasang mapahamak.