September 29, 2025 | 12:00am
HINDI basta-basta ang ginawang hakbang ni Benjamin Magalong nang magbitiw siya sa ICI. Sa halip na kumapit sa posisyon, pinili niyang talikuran ito isang hakbang na nagpapakita ng kanyang paninindigan.
Hindi siya nagpaalipin sa kapangyarihan, at lalong hindi siya nagpa-uto sa mga nagkukubli sa anino ng Palasyo.
May pangamba at pagdududa ang kanyang nadama, at malinaw hindi siya papayag na maging kasangkapan ng isang programang nagiging palabas lamang, imbes na tunay na aksyon laban sa droga.
Sa bansang sanay sa mga lider na kumakapit sa puwesto kahit wala nang saysay, heto si Magalong nagpapakita ng ibang mukha ng pamumuno: may dignidad, may paninindigan, at may tapang.
Kung tutuusin, hindi lang ito simpleng pagbibitiw. Isa itong deklarasyon. Deklarasyon na hindi siya maaaring paikutin at hindi siya magiging kasangkapan ng mga nagbabalatkayo sa kapangyarihan.
Sa isang lipunang nauuhaw sa integridad, bihira na ang ganitong uri ng liderato. Kaya’t mahalagang kilalanin natin na ang kanyang ginawa ay hindi pangkaraniwan, kundi isang paalala sa publiko may mga opisyal pa ring inuuna ang prinsipyo kaysa impluwensiya.
Kung may tunay na laban kontra droga, dapat malinaw at malinis ang intensyon. Ang ganitong pagbitaw ni Magalong ay babala hindi lahat ng nakaupo ay handang sumunod sa dikta ng mas makapangyarihan kung ang kapalit ay sariling dangal at prinsipyo.
Disclaimer: Ang opinyong ito ay sariling pagsusuri ng may-akda batay sa mga ulat at pampublikong impormasyon, at hindi kumakatawan sa anumang opisyal na posisyon ng institusyon.