October 3, 2025 | 12:00am
Pagbangon pa lang nu’ng umaga, nasa isip na agad niya ang maraming dapat tapusin sa araw na ‘yon. Una ang pagbili ng groceries, tapos ang pagsulat ng panibagong sales strategy, at sa huli ay ang pag-presenta sa management. Naliligo at nag-aahit pa lang, balisa na siya.
Malimit sa galit niya nilalabas ang pagkabalisa. Nainis siya sa sarili nang masunog ang tinutustang tinapay pang-almusal. Mas lalong nainis nu’ng nag-hardstarting ang makina ng kotse.
Mabilis naman niyang nahanap at nakumpleto ang mga dapat bilhing groceries. Pero iritado siya na sira ang gulong ng pushcart. Maingay at gumegewang-gewang ito. Salubong na ang kilay niya.
Pagpila sa kahera, napansin niya na ang nauuna sa kanya ay babaeng dalawang items lang ang binibili. Karga-karga nito ang sanggol.
“Bilisan mo na diyan,” naisip niya. Pero nagkwentuhan pa ang kahera at ang babae. At tila pinunasan pa ng kahera ang pisngi at labi ng sanggol.
Buwisit na siya. Sasabog na ang galit. Hindi ba nila alam na marami pa siyang gagawin ngayong araw? Tinitigan niya sila nang matalim.
Bago siya magmura, naisip niya ang pangaral ku’ng paano kimkimin ang galit. Konting lamig lang, bulong niya sa sarili. Bumilang ka muna ng isa hanggang sampu. Sumipol ka ng paborito mong awit. Isipin mo na mairaraos mo ang araw na ito.
Sa wakas natapos ang huntahan ng kostumer at kahera. Habang kinekwenta na ang kanyang pinamili, sinabi niya sa kahera, “Ang cute ng baby na ‘yon ano?”
Nagliwanag ang mukha ng kahera. “Salamat,” sabi nito. “Namatay sa aksidente ang tatay niya, anim na buwan pa lang ang nakalipas. Anak namin siya. Dinadala siya rito ng nanay ko dalawang beses isang araw.” Mas malalim pala ang pinagdadaanan.