August 19, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Trending kahapon si Maine Mendoza.
Ito ay matapos niyang aminin na na-in love talaga siya kay Alden Richards noong kainitan ng AlDub, noong 2015.
Ito ang unang pagkakataon na inamin niya na nagkaroon siya ng feelings sa actor.
Phenomenal ang naging loveteam nila dahil sa Kalyeserye.
At ito, pagkatapos ng isang dekada, inamin ni Maine na nagkagusto nga siya kay Alden.
“Na-in-love talaga ako kay Alden. Kahit sino magtanong sa akin. Sasagutin ko nang diretso. Na-in-love ako sa kanya pero hindi siya nanligaw, walang ganun. Alam din niya kasi very vocal ako sa lahat ng tao pati kay Alden mismo,” kumpisal niya na hindi na ikinagulat ng ilang showbiz insider dahil alam na nilang na-in love talaga siya sa Kapuso actor noon.
Pero tulad din ng alam ng ibang taga-showbiz, sinabi nga ni Maine na never siyang niligawan ni Alden.
Na kung niligawan daw sana siya, malamang na sinagot niya. “Alam ni Alden ‘yun. Sinabi ko sa kanya ng rekta pero hindi siya nanligaw. Friends lang kami,” pag-amin pa niya.
“Tinanong ko siya noon, eh ang straightforward ko naman na tao, ‘Sabihin mo na sa akin ano bang nararamdaman mo for me?’ Gusto ko lang malaman. Kung anuman yan, kailangan ko lang malaman.
“Ang sabi niya lang (sa akin), ‘Hindi ko puwedeng sabihin sa iyo kasi mawawala ‘yung magic,’” sabi pa ni Maine kasabay ng pagsabi niya na nagkaroon naman sila closure pero “grabe” at “rollercoaster” daw ang kanilang pinagdaanan, pagtatapat niya sa Tamang Panahon episode 5 ng Eat Bulaga kasama sina Allan K, Paolo Bediones, Jose Manalo, Wally Bayola at ang kanilang producer na si Jenny Ferre na kasama niya sa journey Kalyeserye.
Actually, open secret ito sa showbiz, pero ang fans ay patuloy kasing umaasa na inilihim lang nila ang kanilang relasyon.
Ngayon siguro tapos na ang chapter ng mga pag-iisip nila na may nangyari kina Alden and Maine noon.
Maalalang ipinipilit pa ng mga fans na nagkaroon sila ng anak.
Nakakaloka.
Of course, misis ni Cong. Arjo Atayde si Maine sa totoong buhay.
Well, baka nga hindi talaga swak ang personalidad nila noon ni Alden.
