Malonzo malaki ang papel sa 3-0 lead ng Ginebra


MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng Barangay Ginebra para makuha ang unang finals berth ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.

At isa sa mga dahilan nito ay ang magandang inila­laro ng nagbabalik na si Jamie Malonzo.

“Jamie got confident, got his game going and felt good. That makes all the difference in the world,” sabi ni Gin Kings coach Tim Cone matapos ang 127-100 paggupo sa NorthPort Batang Pier sa Game Three ng kanilang semifinals series.

Humakot ang Fil-American forward ng 25 points tampok ang apat na three-point shots para sa 3-0 bentahe ng Ginebra sa kanilang best-of-seven showdown.

“You bring a guy in like that with so much ta­lent and he’ll just elevate the whole team, dagdag ng two-time PBA Grand Slam champion mentor kay Malonzo.

Nanggaling ang Gilas Pilipinas member mula sa isang calf injury noong 2024.

Malaki ang pasasalamat ni Malonzo sa suporta sa kanya ng mga coaches at teammates.

Sa 115-93 panalo ng Gin Kings sa Batang Pier sa Game One ay nagtala si Malonzo ng 14 points, 5 rebounds at 2 assists at kumolekta ng 17 markers, 3 boards at 2 assists sa kanilang 119-106 dominasyon sa Game Two.

Maaari nang kumpletuhin ng Ginebra ang 4-0 sweep sa NorthPort sa Game Four bukas sa Big Dome.