Manny Pacquiao itatanghal na bagong WBC champion—Marquez


MANILA, Philippines — Mortal na magkaribal sina legendary boxers Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa mga nakalipas na taon ng kanilang boxing careers.

Sa katunayan, si Marquez ang nagpabagsak kay Pacquiao via knockout noong 2012 sa kanilang bakbakan sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.

Sa kabila nito, nanatiling magkaibigan ang dalawa.

At naniniwala si Marquez na kamay ng eight-division world champion na si Pacquiao ang itatas sa oras na makaharap nito si reigning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios sa kanilang laban sa Hulyo 19.

Alam ni Marquez na hindi biro ang gagawin ni Pacquiao dahil nasa 46-anyos na ito kumpara sa 30-anyos na si Barrios.

“This fight is dangerous. It’s dangerous for both fighters. Manny Pacquiao is 46 years old but he’s professional. He’s training hard every day,” ani Marquez.

Subalit optimistiko ang Boxing Hall of Fame inductee na si Marquez na si Pacquiao ang itatanghal na bagong WBC champion dahil nakikita nito ang pagpupursige ng Pinoy pug sa ensayo.

“Let me tell you something. I think Manny Pacquiao is the new world champion. I think so,” ani Marquez.

Gaya ng iba, tinukoy rin ni Marquez ang malalim na karanasan ni Pacquiao bilang isa sa bentahe nito sa laban. Kasama pa rito ang power at speed ni Pacquiao.

“The most important thing is experience. Experience is Manny Pacquiao, he’s power, speed and everything. I think Manny Pacquiao is the new world champion,” ani Marquez.

Alam ni Marquez na mas bata at mas malakas si Barrios subalit muli nitong iginiit na importante rin sa laban ang karanasan.

“Barrios is a young and strong fighter. But I think the most important thing in this fight is the ex­perience. The experience is with Manny Pacquiao.E­x­perience is the key here,” ani Marquez.