Manong Chavit, ayaw magsinungaling sa relasyon kay Yen


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

October 16, 2025 | 12:00am

Ahhh walang denial si Manong Chavit Singson kung naging magkarelasyon sila ni Yen Santos na kamakailan ay pinag-usapan dahil sa kanyang interview sa YouTube ni Yen with matching hawak pa ng kamay sa hita ng dating pulitiko.

Nang tanungin dito ang umatras na negosyante sa pagka-sendor noong nakaraang election sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery noong isang araw, “Next question,” ang sagot niya.

Sabay sabi ng “Ayokong magsinungaling,” natatawang pahabol na sagot na ikinatili ng ibang andun.

Kaya ang impression ng lahat, naging sila nga ba?

Inamin din niyang naghahanap siya ng mapapangasawa. “Talagang naghahanap ako ngayon ng pwedeng mapakasalan para may mag-aalaga naman sa akin.

“Para sa pagbibiyahe-biyahe ko may makasama ako. Kahit na sino, basta maganda ang puso,” sabi pa niya na nag-guest sa Pandesal Forum upang ipahayag na tuloy ang kanyang pakikiisa sa imbestigasyon sa malawakang corruption sa flood control projects sa ating bayan.

Aniya, umaasa siyang hindi titigil ang lahat sa panawagan na magkaroon ng resulta ang nasabing imbestigasyon at managot ang mga nangurakot at nagwaldas sa pera ng bayan.

Ngayong araw naman ay gaganapin sa Kamuning Ba­kery ang World Pandesal Day na ang special guest ay si Vice President Sara Duterte.